ni VA / Clyde Mariano @Sports | March 19, 2024
Isinalba sa lubos na pagkabigo ng para taekwondo jin na si Allain Ganapin ang kampanya ng Pilipinas sa katatapos na Asian Qualification Tournament para sa 2024 Paris Olympics at Paralympics noong nakaraang Linggo sa Yaishan International Convention and Exhibition Center sa Tai’an City, China.
Tinalo ni Ganapin si Sandeep Singh Maan ng India sa finals ng men’s K44 -80 kilogram upang makopo ang minimithing spot para sa Paralympic Games na magsisimula sa Agosto 28.Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na nag-qualify si Ganapin sa Paralympics matapos makapasok sa nakaraang Tokyo Games noong 2021.
Gayunman, hindi naging maganda ang kinahinatnan ng kanyang unang Olympic stint makaraan niyang madiskuwalipika pagkatapos magpositibo sa Covid-19.
Humanay si Ganapin sa mga para swimmers na sina Angel Otom at Ernie Gawilan na nauna nang nag-qualify sa Paris Paralympics.
Tanging si Ganapin lamang mula sa mga Filipino jins na sumabak sa nasabing qualifying meet ang nagkamit ng slot para sa Paris.
Bigo sa hangad na ikalawang sunod na Olympics stint si Tokyo Games veteran Kurt Barbosa matapos matalo kay Samirkhon Ababakirov ng Kazakhstan sa semifinals ng men’s -58-kilogram division gayundin si Baby Jessica Canabal na sumadsad sa women’s -57-kg semifinal kay Laetitia Aoun ng Lebanon.
Nabigo ring magkamit ng Olympic berths si Arven Alcantara pagkaraang yumukod kay Ali Reza Abbasi ng Afghanistan sa quarterfinal ng men’s -68-kilogram maging si Tachiana Keizha Mangin na natalo rin sa women’s -57 kg semifinal round laban kay Saudi Arabian Dunia Abutaleb.
“Masaya dahil makakalaro ako sa Paris Olympics. Hindi ako nakalaro sa Tokyo. Sa wakas natupad ko ang pangarap na makalaro sa Paris,” sabi ni Ganapin member ng national team mula 2015.
Naging amputated kanang kamay ni Ganapin subalit ang kanyang kapansanan ay hindi naging hadlang at sagabal sa kanyang pangarap na marating ang tagumpay.
Comments