top of page
Search
BULGAR

Tactical Motorcycle Rider Unit, sagot ng PNP laban sa krimen

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Pebrero 21, 2023



Kumbinsido ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na malaking tulong sa kanilang operasyon ang paggamit ng motorsiklo para sumagupa sa iba’t ibang klase ng krimen, lalo na sa masisikip na eskinita kung saan tumatakbo ang masasamang loob.


Katunayan ay sinimulan na ng pamunuan ng PNP sa Metro Manila na isabak sa pagsasanay ang kanilang mga pulis upang maging mas mahusay kumpara sa kanilang mga tinutugis na inaasahang magiging epektibo sa pagsugpo ng krimen.


Umabot sa 93 police personnel mula sa limang police district ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang nakumpleto ang kanilang pagsasanay hinggil sa tactical motorcycle rider course upang mas mapalakas pa ang kanilang kakayahan na magbigay ng proteksyon at sumagupa sa mga kriminal.


Ang buong NCRPO ay binubuo ng limang distrito—ang Manila Police District (MPD), Quezon City Police District (QCPD), Northern Police District (NPD), Southern Police District (SPD), at Eastern Police District (EPD) kung saan nagmula ang unang batch ng mga pulis na sumabak sa matinding pagsasanay.


Ang kabuuang 93 kaanib ng PNP ay nagmula sa limang police district ng NCRPO at Regional Mobile Force Battalion (RMFB) na binubuo ng 42 babae at 51 lalaki na sadyang pinili para lumahok sa makabagong pagsasanay na ito.


Hindi lang natin maidetalye ang nakapaloob sa 42-day training na kanilang pinagdaanan, ngunit ang lahat ng lumahok ay nagkaroon ng mataas na kaalaman, makabagong technique at sistema sa pakikipagsagupa sa mga krimen na kinasasangkutan ng mga motorcycle-riding suspects at iba pang street crimes.


Ang naturang pagsasanay ay isinagawa sa ilalim ng pamamahala ni Col. Julius Guadamor, chief of the Regional Learning and Doctrine Development Division na dati ay isang malaking plano lamang ng PNP, ngunit ngayon ay matagumpay nang naisakatuparan.


Ilan sa maaari nating ihayag bilang bahagi ng kanilang pagsasanay ay ang kanilang skills, basic at tactical mobile traffic law enforcement at ang kumpiyansa sa pagmamaneho ng motorsiklo.


Sa isinagawang closing rites, kung saan ang mga babae at lalaking kalahok sa pagsasanay ay nagsasagawa ng field demonstration upang aktuwal na makita ng kani-kanilang mga opisyal at mga nagsidalong kaanak ang kanilang husay.


Magandang oportunidad ang isinagawang pagsasanay na ito, ngunit higit sa lahat ay nahasang mabuti ang itinatagong galing ng ating kapulisan na ngayon ay handang-handa na para humarap sa anumang pagsubok na may kaugnayan sa krimen.


Ang naturang closing rites ng tactical motorcycle rider course class 2022-02 and 03 “Lycanthrope” ay isinagawa sa NCRPO grandstand in Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City ay dinaluhan ng matataas na opisyal ng PNP na lahat ay nagpaabot ng pagbati dahil sa kahandaang ipinamalas ng mga nagsanay na pulis.


Tatawaging PNP-TMRU o Tactical Motorcycle Rider Unit ang mga nagtapos ng naturang pagsasanay na inaasahang mapapanatili ang kanilang husay at lakas para maisagawa nila ang kanilang mandato bilang bagong motorcycle marshals.


Pangungunahan ng TMRU ang NCRPO S.A.F.E. Program na sinimulan ng pamunuan ng PNP upang mas mapalawak at mapalakas ang police presence, makapagbigay ng police accessibility at mapabilis ang police response na matagal nang inaasam-asam ng publiko.


Patunay lang ang hakbanging ito ng PNP na tuluyan nang binago ng motorsiklo ang ating pang-araw-araw na buhay dahil sa halos lahat ng larangan ng hanapbuhay ay palagi nang kaakibat ang serbisyo ng motorsiklo.


Maging ang sistema ng pagmamaneho at daloy ng trapiko sa maraming bahagi ng bansa ay hindi sinsadyang binago na ng ating mga ‘kagulong’ dahil sa patuloy na pagdami sa iba’t ibang larangan—tulad ng food deliveries hanggang motorcycle taxi.


Kaya maging ang PNP ay nagpasya nang simulang isailalim sa pagsasanay ang kanilang mga operatiba dahil ito lamang ang tanging paraan para makasabay sila sa bilis nang pagbabago ng panahon kung transportasyon ang pag-uusapan.


Sana lang ay hindi lang sa Metro Manila magkaroon ng operatiba ang PNP-TMRU dahil maraming mauunlad na lalawigan na sa bansa ang kailangang-kailangan na ang kanilang serbisyo.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page