ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 24, 2023
Katulad ng mga kabataang mag-aaral, hindi rin dapat napag-iiwanan ang ating mga public school teachers lalo na pagdating sa natatanggap nilang sahod.
Tunay na makabuluhan at malaki ang papel ng mga guro sa ating lipunan, at sa paghubog ng kaalaman at abilidad ng kanilang mga estudyante.
Sila ang nagsisilbing kaibigan ng mga mag-aaral na dumaraan sa mga pagsubok tulad ng pambu-bully, kawalan ng tiwala sa sarili o hirap sa pag-aaral. Sila rin ang nagpapayo sa mga mag-aaral at pumapagitna kung may alitan ang mga ito.
Bilang epektibong guro, tungkulin nila na hubugin ang bawat kabataan upang sila ay maging mas mabuti at responsableng mamamayan. Sa pamamagitan ng karunungang ibinabahagi ng mga guro sa mga estudyante, marami sa kanila ang posibleng maging susunod na lider sa kani-kanyang mga karera.
Dahil sa kanilang huwarang paglilingkod, karapat-dapat na bigyan ng mataas na paggalang at pagkilala ang mga guro, na itinuturing nating mga pangalawang magulang. Isa na rito ay ang pagtaas sa kanilang sahod.
Noong inilunsad ang Brigada Eskwela, iniulat na ipinag-utos ni Pangulong Bongbong Marcos sa Department of Education (DepEd) na pag-aralan kung ano ang maaaring maging long-term approach para madagdagan ang sahod ng mga guro at kawani, bukod pa ito sa itinaas ng sahod nila sa ilalim ng Salary Standardization Law.
Nakakadismaya dahil napag-iwanan na ang mga Pilipinong guro pagdating sa sahod kung ihahambing sa mga guro sa Timog-Silangang Asya. Sa Indonesia, nakakatanggap ang mga guro ng humigit-kumulang P66,099, samantalang P60,419 naman ang natatanggap ng mga guro sa Singapore.
Isa sa mga prayoridad ng inyong lingkod sa ilalim ng 19th Congress ay ang Senate Bill No. 149 o ang Teacher Salary Increase Act. Sa naturang panukala, iminumungkahi nating itaas ang salary grades (SG) ng mga Teacher I mula SG 11 (P27,000) paakyat sa SG 13 (P31,320). Iminungkahi rin natin na itaas ang sahod ng Teacher II mula SG 12 (P29,165) paakyat sa SG 14 (P33,843), pati na rin ang sahod ng Teacher III mula SG 13 (P31,320) paakyat sa SG 15 (P36,619).
Bukod sa teachers’ salary increase, isinusulong din ng inyong lingkod ang pagbabawas sa gawain ng mga guro at ang pagtiyak na meron silang health insurance.
Plano rin nating amyendahan ang Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670) at gawin itong mas akma sa mga kasalukuyang hamon na kinakaharap ng mga guro.
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, patuloy po nating isusulong ang ating adbokasiya na matugunan ang pangangailangan ng mga guro at maitaguyod ang kanilang kapakanan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments