top of page
Search
BULGAR

Taas-sahod at price control sa gitna ng pandemya, pag-aralan!

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | January 22, 2021


Alam naman nating ang kawalan ng matatag na suplay ng pagkain ang dahilan kaya nananatiling mataas ang presyo sa ilang pamilihan.


Ito ay dahil apektado ng malamig na panahon ang suplay ng gulay sa ilang probinsiya tulad ng Benguet, Laguna, Nueva Ecija, Pangasinan, La Union at Bicol Region.


Dahil dito, patuloy na umaaray ang maraming mamimili dahil habang pataas nang pataas ang presyo ng bilihin, nananatiling mababa ang sahod. Ang masaklap, ‘yung ibang kababayan natin ay nawalan ng hanapbuhay, kaya ang tanong, saan pa kukuha ng pangkain?


Kaugnay nito, ilang grupo ng manggagawa ang nananawagan ng agarang umento sa sahod at pagkokontrol ng presyo ng mga bilihin sa gitna ng COVID-19 pandemic.


Giit ng grupo, halos magkandalula na ang maraming Pilipino sa mga gastusin, lalo na’t tumitindi ang pandemya at krisis pang-ekonomiya.


Base sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA) noong Martes, Enero 19, 2021, ang kilo ng liempo ay nasa P400, beef rump sa P400, buong manok sa P170, repolyo sa P200, Baguio pechay sa P150, pulang sibuyas at imported bawang sa P100 at siling labuyo na aabot ng hanggang P1,000.


Matatandaang Nobyembre 2018 nang huling nagkaroon ng wage hike sa National Capital Region (NCR) at sa kabila ng paghain ng wage hike petition noong 2019, ibinasura lamang ito.


Samantala, mas mababa naman ang minimum wage sa probinsiya.


Giit ng isang grupo, maaari ring ipatupad ang pagpigil sa bara-barang pagtataas ng bilihin.


Sa totoo lang, kung mananatiling mataas ang presyo ng bilihin at mababa ang sahod, paano pa mabubuhay ang mga ordinaryong manggagawa, lalo na ang mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemya?


Bagama’t may mga natanggap tayong tulong mula sa gobyerno, aminin natin na hindi ito sapat dahil ito’y pansamantalang solusyon lang.


Kaya panawagan sa mga kinauukulan, habang tinutugnan natin ang pandemya, tutukan din ang ganitong mga problema.


Baka kasi natutugunan nga natin ang mga problemang dala ng pandemya, kung kumakalam ang sikmura ng taumbayan ay wala rin.


Napakalaking hamon nito para sa ating lahat, kaya utang na loob, ‘wag nating ipagsawalambahala ang mga bagay na ito.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page