top of page
Search
BULGAR

Taas-presyo sa petrolyo awat na, plis lang!

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Pebrero 3, 2024


Hindi na rin talaga mapigilan ang pagtaas ng presyo ng gasoline at diesel products kung saan nagbigay ng advisories ang ilang gasoline companies kamakailan.


Inanunsyo ng Caltex, Cleanfuel, Jetti, Petro Gazz, PTT, Seaoil, Shell at Unioil na magkakaroon sila ng bigtime price hike simula noong Martes (Pebrero 6, 2024) sa halagang P2.80 bawat litro at P1.30 kada litro naman sa diesel.


Samantala, ang Seaoil at Shell naman ay magkakaroon ng pagtaas sa kerosene sa halagang P0.45 per liter. Inaasahang susunod pa ang pagtaas ng ibang gasoline firms.


Sa panibagong anunsyo na ito ng mga pangunahing players, nasa pang-apat na pag-increase na ito sa loob ng apat na linggong magkakasunod.


Sa datos ng Energy department, simula ng pagpasok ng taong ito, ang itinaas ng presyo ng gasoline ay umabot ng P1.45 per liter at ang diesel naman ay P0.60 per liter, samantalang ang presyo ng kerosene ay tumaas ng P.10, kung saan huling nagtaas ito noong 2023.


Sinasabing ang galaw ng petrolyo sa nagdaang linggo ay ugat ng pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina.


Ang lalo pang umigting na tensyon sa Middle East, ang sanhi kung bakit tuluy-tuloy ang pagtaas ng mga fuel sa buong mundo.


Sa pahayag kamakailan ng World Bank, ang pinakahuling tensyon sa Middle East ay nagdulot ng geopolitical risks sa mga pangunahing produkto sa merkado, at one-third naman sa produktong oil trade ang apektado.


At ang posibilidad na tuluy-tuloy na pagtaas ng produkto ay ang patuloy na pagmamatigas ng Saudi Arabia at Russia na kontrolin ang pag-supply ng mga produktong langis sa iba’t ibang bahagi ng mundo.


Nabatid sa datos ng World Bank na ang average global oil price ay bumaba sa US78 per barrel noong nakalipas na Disyembre, mas mababa sa US94 noong Setyembre 2023.


Dagdag pa rito, malaking bahagi ng ekonomiya ng bansa natin ay ang remittances mula sa mga overseas Filipino workers (OFW) at ito ay lubhang naaapektuhan dahil sa paiba-ibang oil prices sa buong mundo.


Sa kabuuan, ang epekto ng pagbabago ng presyo ng mga langis ay mahalaga at nagkakaroon ito ng implikasyon sa iba’t ibang sektor kabilang na rito ang output, inflation at remittances.


Ang krudo ay isang pangunahing component ng gasoline kung kaya’t kapag tumaas ang presyo ng crude oil, natural lamang na tataas din ang presyo ng gasolina. Gayundin, ang Philippine peso ay patuloy na hihina kung ihahambing sa ibang pera ng ibang bansa tulad ng US dollar, na mas mataas ang halaga kumpara sa pera natin, kaya’t malaking halaga ang kinakailangan natin para lamang makabili ng barrel ng langis.


Makabubuting sundin natin ang payo ng Malacañang na magtipid sa kuryente at langis.


Magugunitang kailan lang, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., (P-BBM) ang pagpapatupad ng Energy audit at random energy spot check sa lahat ng tanggapan ng gobyerno, kabilang na ang government-owned and controlled corporations upang masiguro na sumusunod ang mga ito sa kautusan na magtipid sa konsumo ng kuryente at langis.


Ang kautusan na ito ay nilagdaan ng Pangulo sa ilalim ng Administrative Order No. 15 na inisyu naman ni Executive Secretary Lucas Bersamin alinsunod sa Energy Efficiency Act (EEC).  Layunin nito na mabawasan ang buwanang konsumo ng gobyerno sa enerhiya at langis.


Tama naman ang naging direktiba na ito ng ating gobyerno kung saan pati nga mga local government units (LGUs) ay maigting na pinagtitipid sa konsumo ng kuryente at langis.


Sa nabanggit na utos, dapat na ang mga tanggapan ng gobyerno ay nasa 24°C sa mga aircon units, at kapag walang tao dapat ay naka-off ito. Gayundin, ilagay sa sleeping mode ang ibang kagamitan kapag walang tao sa opisina.


At para makasiguro na sumusunod ang mga ahensya at iba pang government owned na mga kumpanya ay magsasagawa ng regular na pag-a-audit sa konsumo ng kuryente at langis ang mga nakatalagang energy auditor.


Inaasahan natin na tayo ay maging responsable sa pagsunod sa mga direktibang gaya nito upang kahit paano ay magkaroon tayo ng partisipasyon na makatulong sa ating gobyerno. At dapat din na pati mga service vehicles ng ating gobyerno ay hindi ginagamit sa mga personal na lakad kundi sa official travel lamang.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page