top of page
Search
BULGAR

Taas-presyo sa gulay dahil sa sunud-sunod na pag-ulan


ni Lolet Abania | July 25, 2021




Pumalo na sa P80 kada kilo ang presyo ng ilang gulay sa mga palengke sa Metro Manila sanhi ng sunud-sunod na malalakas na pag-ulan nitong mga nakaraang araw. Sa Commonwealth Market sa Quezon City, naiulat na ang mga presyo ng gulay gaya ng repolyo ay nasa P80 kada kilo mula sa dating P40-P50, carrots ay P60 kada kilo na dating P40, patatas ay P50 kada kilo na dating P35, kamatis ay P80 kada kilo na dating P60, red/green bell pepper ay P140 kada kilo dating P100, pipino at talong ay P60 kada kilo na dating P35, ampalaya at sitaw ay P60 kada kilo na dating P40.


Ayon sa mga tindera, mula pa noong Biyernes hanggang ngayong Linggo ay tumaas ng P40 ang presyo ng mga gulay sanhi ng mga pag-ulang dulot ng Habagat. Maraming dumarating anila na mga gulay, subalit dahil hindi nabibili agad sanhi ng mataas na presyo, nalalanta at nasisira na lamang ito.


Sinabi naman ng mga magsasaka sa Benguet, marami sa mga gulay na kanilang itinanim ay nasisira kapag tag-ulan. Hindi naman nila umano kaagad maani ito gaya ng mga patatas hanggang masama pa rin ang panahon.


Ayon sa Department of Agriculture (DA), karaniwan na sa ganitong mga buwan ang pagkasira ng mga gulay dahil sa nararanasang mga pag-ulan at mga bagyo. Anila, posibleng matagalan pa umano bago bumaba ang mga presyo ng gulay sa mga pamilihan, lalo na kung patuloy ang mga pag-ulan at bagyo pang darating.


“Maybe August if we have good weather then meron, meron na tayong mga improvement sa presyo ng ating gulay,” ani Agriculture Assistant Secretary Kristine Evangelista. Bukod sa mga pag-ulan, isa pang tinitingnan dahilan ng ahensiya sa taas-presyo ng gulay ay ang transportasyon nito, kung saan halos sunud-sunod din ang pagtaas ng produktong petrolyo. Gayunman, tiniyak ng DA na sapat ang supply ng mga gulay sa bansa dahil may malaking produksiyon ng gulay o agricultural commodities na maaaring pagkuhanan nito.


Comments

Couldn’t Load Comments
It looks like there was a technical problem. Try reconnecting or refreshing the page.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page