ni Lolet Abania | August 12, 2021
Ipinagpaliban muna ng Department of Trade and Industry (DTI) ang napipintong pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin para makabawas sa hirap na dinaranas ng mga konsyumer sa gitna ng 2-linggong hard lockdown sa Metro Manila at iba pang mga pamilihan sa bansa.
“Yes, we have postponed any adjustment on SRPs (suggested retail prices), especially during ECQ (enhanced community quarantine),” ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez.
Matatandaang noong nakaraang Hunyo, pinayagan ng DTI ang ilang brands ng mga basic goods na magtaas ng kanilang presyo ng P0.25 hanggang P0.75 o tinatayang nasa 3.5% dahil sa pagtaas din ng halaga ng mga raw materials nito.
Inaprubahan ng ahensiya ang taas-presyo sa pangunahing bilihin kabilang ang sardines, canned meat, noodles, gatas at kape, kung saan magiging epektibo ito ngayong Agosto.
Ang pag-apruba sa price increase ay ginawa matapos na i-lift ng DTI ang mahabang buwan na price freeze sa mga pangunahing bilihin noong Hulyo 9.
Gayunman, ang Metro Manila ay isinailalim sa ECQ mula Agosto 6 hanggang 20. Bukod sa National Capital Region (NCR), ang mga lalawigan ng Laguna at Cagayan de Oro at ang Iloilo City ay isinailalim na rin sa pinakamahigpit na quarantine classification. Gayundin, ang Bataan ay nasa ECQ na mula Agosto 8 hanggang 22, dahil ito sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 at pagkalat ng Delta variant.
Sa ilalim ng ECQ protocol, ang mga essential trips at essential services gaya ng pagkain at medisina lang ang pinapayagang mag-operate.
Comments