top of page
Search
BULGAR

Taas-pasahe tablado sa DOTr

ni Lolet Abania | March 16, 2022



Hindi inaprubahan ng Department of Transportation (DOTr) ang petisyon na itaas ang pamasahe sa mga public transports, kung saan pinaniniwalaang ang pagpapatupad ng fare hike ay maaaring magresulta sa pagtaas ng inflation rate sa bansa.


Sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipinalabas ngayong Miyerkules, sinang-ayunan ni DOTr Secretary Arthur Tugade ang pahayag ni Socioeconomic Planning Secretary at National Economic and Development Authority (NEDA) chief Karl Kendrick Chua na ang pagtataas ng minimum jeepney fare at minimum wage ay posibleng pagtaas ng inflation rate ng bansa sa 5.1%.


“Kaya nga ang posisyon ng Department of Transportation ngayon ay hindi magtaas ng fare. Kasi ‘yung impact ng fare hike ay ipinakita ni Secretary Karl kanina, tatamaan ‘yung tinatawag natin na inflation rate,” sabi ni Tugade.


“Ang position namin, ‘wag kayong magtaas ng fare, ng mga pamasahe, tanggapin ang ayuda, gamitin ‘yung subsidiya,” dagdag pa ng kalihim.


Maraming grupo na ng public utility vehicle (PUV) drivers at operators ang naghain ng kanilang petisyon para sa taas-pasahe kaugnay ng sunud-sunod na fuel price hike dahil sa nagaganap na labanan sa Ukraine at Russia.


Upang mabawasan ang nararanasang hirap, sinimulan ng gobyerno ngayong linggo ang distribusyon ng P6,500 fuel subsidies sa mahigit 377,000 na kwalipikadong PUV drivers at operators.


Umabot sa kabuuang P2.5 bilyon ang alokasyon sa Fuel Subsidy Program ng DOTr, kung saan inilabas ito noong nakaraang linggo.


Ayon kay Tugade, sa nasabing P2.5 bilyong budget, ang P1.75 billion o 70% ay nakalaan sa PUVs sa ilalim ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB); P625 million o 25% para sa tricycles sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG); at ang natitirang P125 million o 5% para sa delivery services sa ilalim naman ng Department of Trade and Industry (DTI).


Nakatakda ang pamamahagi ng ayuda sa public utility jeepneys at buses mula Marso 14 hanggang 18.


Ang subsidies para naman sa UV express, taxis, shuttles, tourists, at technology and app-based transport network vehicle service (TNVS) ay ibibigay sa pagitan ng Marso 14 hanggang 25.


“Aaminin ko po na ‘yung ayudang binibigay natin ngayon ay hindi eksaktamento todo-todo. Kulang pa rin ho ‘yan, kailangang repasuhin kaya nga tayo may second tranche sa April. Ganu’n din ho ‘yung sistema ng distribution sa second tranche,” sabi pa ni Tugade.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page