ni Zel Fernandez | May 6, 2022
Pinaalalahanan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga botante na bawal umanong magsuot ng mga campaign shirts ng sinusuportahang kandidato sa eleksiyon sa Mayo 9.
Ayon kay Comelec Commissioner George Garcia, mahigpit aniyang ipinagbabawal ang magbihis ng anumang damit na may tatak na mukha o pangalan ng sinumang politiko sa araw ng halalan dahil maituturing umano itong pangangampanya.
Gayundin, mahigipit umanong ipinagbabawal sa loob ng presinto ang pagdadala o paggamit ng mga campaign paraphernalia tulad ng face masks, baller, pamaypay, at iba pang mga bagay na mayroong pagkakakilanlan ng mga kandidato.
Dagdag pa rito, hindi rin pinapayagan ng Comelec ang pamimigay ng mga sample ballots sa mismong araw ng eleksiyon.
Gayunman, nilinaw ni Garcia na hindi naman umano ipinagbabawal ng ahensiya ang paggamit o pagsusuot ng mga campaign colors na nagrerepresenta sa mga napupusuang kandidato.
Comments