ni Gerard Peter - @Sports | May 21, 2021
Umaasa ang ilang Filipino grassroots swimmers sa pangunguna ni bemedalled international at national champion Jasmine Mojdeh na mabibigyan sila ng pagkakataon na mairepresinta ang Pilipinas sa darating na 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam sa Nobyembre 21-Disyembre 2.
Patuloy sa paghahanda at pagsasanay ang 14-anyos na Palarong Pambansa star sa ilalim ng pangangalaga ni coach Virgilio de Luna, kung saan kasama ang iba pang mga local grassroot swimmers sa Lucena, Quezon para sa isinasagawang bubble training.
Inihayag ng dating Palaro at PRISAA (Private Schools Athletic Association) champion athlete at kasalukuyang coach na si De Luna na hindi sila tumigil sa pagpapalawig ng kanilang programa at pag-eensayo upang ihanda ang mga ginagabayang swimmers sakaling magpatawag ng try-out o wildcard entry ang pamunuan ng Philippine Swimming Incorporated (PSI) na binubuo halos ng mga manlalangoy na Filipino-Americans.
“Nag-aim pa rin ang players at pinipilit na magtraining, para kung may chance, andun yung naka ready kami,” wika ni de Luna, kahapon ng umaga sa lingguhang TOPS: Usapang Sports sa Sports on Air. “Hoping na magkaroon ng chance na makakuha ng wildcard na mabigyan ng chance para sa SEA Games,” dagdag ni de Luna sa programang suportado ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusement Board (GAB) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Kahit man malayo sa kanyang nakasanayang tahanan sa Paranaque City ang sophomore student sa Brent International School-Laguna, walang patid ang pagdalo nito sa klase sa pamamagitan ng online classes habang nagsasanay ng dalawang beses kada araw sa Mayao sa Lucena.
“Sa ngayon, focus lang kami sa swimming training ng twice a day sa pool, pero by next week baka mag-3-times a day na kami with my team mates. Mayroon naman kaming social distancing kapag may training,” paliwanag ni Mojdeh, kasama ang mga team mates mula Philippine Swimming League at B.E.S.T (Behrouz Elite Swim Team).
留言