ni Eli San Miguel @Entertainment News | July 8, 2024
Nakatakdang ilabas sa Hulyo 19 ang "Sweet Home 3" na pinagbibidahan nina Song Kang at Lee Jin-wook na umiikot ang kuwento tungkol sa huling paglalaban ng mga “humans, monsters, at neohumans.”
Magpopokus ang pinakabagong season sa isang ultimate showdown nina Hyun-su (Song Kang) at Sang-wook (Lee Jin-wook). Sa trailer na nagbigay ng pasulyap sa huling season, ipinakita si Hyun-su na nakipagtagpong muli kay Eun-hyeok (Lee Do-hyun) kung saan agad silang naglaban.
Nakita rin sa trailer ang iba pang mga karakter na sina Yi-kyung (Lee Si-young), Eun-yu (Ko Min-si), Chan-young (Jinyoung), Tak In-hwan (Yoo Oh-seong), Dr. Lim (Oh Jung-se), Kim Yeong-hu (Kim Moo-yeol), at Kid (Kim Sia) habang hinaharap ang mga pagsubok na dulot ng mga nakaraang pangyayari.
Batay sa isang webtoon na may parehong pamagat, ang unang season ng "Sweet Home" ay ipinalabas noong Disyembre 2020 habang ang ikalawang yugto nito ay inilabas matapos ang isang taon.
Ang Sweet Home ang unang South Korean series na pumasok sa Top 10 ng Netflix sa United States, at umabot pa hanggang sa ikatlong puwesto. Tatlong araw matapos ang paglabas nito, nanguna ang serye sa walong rehiyon at nasa Top 10 naman sa 42 rehiyon.
Kommentare