Swak na swak daw ang ugali… MANAGER NI DAVID, BOTO NA MAGING SILA NI BARBIE
- BULGAR
- 5 hours ago
- 3 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | Apr. 29, 2025
Mula sa pagiging manager ng mga sikat na artista, gusto na ring makilala at matawag na “Manager ng Bayan” ng longtime manager na si Arnold Vegafria ngayong tumatakbo siyang mayor ng Olongapo.
Sa ginanap na Pandesal Forum kahapon sa Kamuning Bakery ni Sir Wilson Flores, nabusog ang mga nakapanood sa dami ng planong gawin at plataporma ni ALV (tawag sa kanya sa showbiz) para sa Olongapo sakaling palarin siyang manalo.
Idinaan niya ito sa isang AVP presentation at thankful siya sa kaibigang si Korina Sanchez na nag-voice over, bukod sa ang team daw nito ang bumuo sa magandang presentation para sa kanyang kandidatura as mayor.
Aminado si Arnold Vegafria na mas magulo ang mundo ng pulitika kesa sa pagha-handle ng mga talents sa showbiz, pero dahil gusto raw niyang magdala ng pagbabago sa Gapo kaya pursigido siyang manalo.
At ang malaking karanasan at expertise niya sa pagha-handle ng iba’t ibang talents na may kani-kanyang attitudes for more than two decades ay malaking bagay at factor daw na maia-apply niya sa pamamalakad ng isang bayan.
Thankful naman siya sa kanyang mga alaga like si David Licauco na despite his super busy schedule ay naglaan daw ng panahon para tumulong sa kanyang kampanya.
In fact, the other night lang daw ay sinorpresa siya ni David nang dumating ito sa kanyang campaign rally at talagang pinagkaguluhan ito ng mga taga-Olongapo dahil bihira ngang may bumisitang artista roon, lalo’t sikat ngayon ang tambalang BarDa (Barbie Forteza-David Licauco).
At dahil napag-usapan nga namin si David, happy and proud si ALV sa nangyayari ngayon sa career ng alaga na kung dati ay nalalait acting wise, ngayon ay “Best Actor” na raw at hindi na rin mahiyain.
Tinanong namin siya kung boto sakaling mauwi sa totohanan ang relasyong Barbie-David.
Aniya, hindi pa niya nakikilala personally si Barbie pero base sa mga nakikita niya sa TV at sa mga naikukuwento sa kanya ni David, bagay naman daw ang dalawa dahil swak ang kanilang ugali at nagkakasundo sila.
Inamin din daw sa kanya ni David na may soft spot ito para kay Barbie since love team nga sila at unti-unti niyang nakikita at nakikilala ang pagkatao ng Kapuso actress.
Pero sa ngayon, ayaw pa raw madaliin ni David na ligawan at maging GF si Barbie dahil baka nasa moving on stage pa nga ang aktres mula sa hiwalayan nito kay Jak Roberto.
Naniniwala naman si ALV na makakatulong sa career ng dalawa kung magiging sila dahil tiyak na magiging happy din ang kanilang mga fans.
KAYA pala dedma na si Mark Herras sa mga isyung ibinato sa kanya ng dating ‘kaibigan’ na si Jojo Mendrez ay dahil ang dami-dami na nitong pinagkakaabalahan ngayon.
Bukod nga sa kaliwa’t kanang shows na offer sa kanya mula sa iba’t ibang lugar, busy din pala ngayon ang StarStruck Male Survivor sa pagtulong sa kandidatura ng Ang Probinsiyano Party List (APPL) representative na si Cong. Alfred “Apid” Delos Santos.
Kasama ang mga kapwa aktor na sina Jason Abalos at JC de Vera, buong-pusong nagboluntaryo ang tatlo at bumisita sa Negros Oriental, Albay, Zambales, at Siquijor.
Ipinakita ng tatlong aktor ang kanilang paninindigan sa mga adbokasiyang isinusulong ng APPL at ni Cong. Apid.
Sa Negros Oriental, pinangunahan ni Jason Abalos ang mga aktibidad ng kampanya sa mga bayan ng Basay, Bayawan, at Zamboanguita, kasama si mayoralty candidate Janice Degamo.
Sa kanyang mensahe sa mga residente, ibinahagi ni Jason ang kanyang karanasan sa mga programang sinusuportahan ng APPL gaya ng medical missions, scholarship programs, TUPAD assistance, at livelihood training—mga proyektong personal niyang nakita at sinuportahan.
Masaya namang sumali si JC De Vera sa mga campaign kick-off sa Albay at Zambales. Sa Albay, dumalo siya sa motorcade at pagtitipon ng Team Rosaloria na pinangunahan nina Noel Rosal, Jun Alegre, Caloy Loria, at Cong. Delos Santos.
Bukod sa pag-awit na nagpasaya sa mga Bicolano, inilahad ni JC ang kanyang paniniwala sa APPL.
Pagkatapos sa Albay, dumiretso sina JC at Cong. Apid sa San Antonio, Zambales para sa kick-off rally ng Team Antipolo, sa pangunguna nina Dok Arvin Antipolo at Atty. Jojo Bactad. Bagama’t pagod, buong-puso pa rin nilang inilahad ang mga plano ng APPL para sa mga probinsya.
Sa Siquijor naman, nagpasaya si Mark Herras sa pamamagitan ng kanyang performance sa kick-off rally nina Governor Jake Villa at Representative Zaldy Villa.
Sa gabing iyon, ipinakilala ang mga programa ng APPL sa lalawigan, pati na rin ang kanilang mga layunin para sa turismo at problema sa kuryente.
Sana, kahit tapos na ang eleksiyon, dumami pa rin ang raket ni Mark Herras at maging nina JC at Jason.
Comments