ni Ador V. Saluta @Adore Me! | April 25, 2023
Pagkatapos magbigay ng pahayag si Dapitan City Mayor at Chief Finance Officer ng TAPE, Inc. na si Bullet Jalosjos sa programa nina Cristy Fermin at King of Talk Boy Abunda, akala ng marami ay plantsado at maayos na ang estado ng Eat... Bulaga! sa GMA-7.
Hindi raw papalitan sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon bilang mga main hosts ng nasabing Kapuso noontime show, gayundin ang iba pang co-hosts.
Samantala, valid naman ang mga dahilan nina Maja Salvador at Maine Mendoza kung bakit hindi na sila mapapanood sa nasabing programa.
Ngunit ano itong isyung may nag-react daw mula sa ilang taga-EB! sa sinabi ni Mayor Bullet na financially stable sila. Meaning, wala silang pagkakautang sa mga hosts.
Kung ganu'n naman daw palang walang problema sa pananalapi, bakit kailangang bawasan ang talent fee nilang lahat sa nasabing noontime show?
May nagsasabing meron daw talagang pagkakautang ang EB! sa ilang hosts, lalo na kina Joey de Leon at Vic Sotto.
Malaki raw ang naipong talent fee ng mga hosts na nagkapatung-patong na nang ilang taong wala pang suweldo.
Pahayag ni Mayor Bullet sa online program ni Tita Cristy tungkol sa pasuweldo at cost-cutting, "I-confirm ko lang po na binigyan ako ng clearance para sabihin that everything (the company) is in status quo."
Ang sinasabing clearance ay galing sa Board of Directors ng EB! na kinabibilangan ng mga kapatid ni Mayor Bullet.
Ang tumatayong President ay ang nakatatandang kapatid niyang si Janjan Jalosjos at ang kapatid niyang babae na si Soraya ang Vice-President for Production, samantalang siya naman ang tumatayong Treasurer ng kumpanya.
Walang tatanggalin at walang idaragdag sa mga talents ng EB!, subali't may balitang isang batang winner mula sa reality search o talent show sa Dipolog City ang pasisikatin ng mga Jalosjos.
Well, hindi na rin masama dahil sa isang talent search din naman galing sina Ice Seguerra at Jericho Rosales at marami pang iba.
Nawindang lang sila sa dagdag pang isyung nakarating sa kanila na nasa "status quo" o mananatili pa rin sa dating ayos ang buong EB!, pero hanggang May lang naman daw ito.
So, pagkatapos ng buwan ng Mayo, ano na'ng magaganap?
Comments