top of page
Search

Suweldo at benepisyo ng mga medical workers, ipantay sa standard ng ibang bansa

BULGAR

ni Rikki Mathay - @Tips Pa More | February 1, 2022



Nakakahiya sa mga medical frontliners ang kakapiranggot na natatanggap nilang buwanang sahod. Sa kasalukuyan, ang buwanang suweldo ng mga nars ay nasa P35,097 lamang o Salary Grade 15- masasabing hindi angkop sa inihahatid nilang serbisyo, lalo na ngayong pandemya kung kailan naramdaman ng bansa ang pagbubuwis nila ng buhay at napakarami sa kanila ang nagkasakit at namatay pa sa COVID-19.


Kung kaya’t nakatutuwang may boses ang mga nars at iba pang healthcare workers kay Anak Kalusugan Rep. Mike Defensor, na nagtutulak sa pagpasa sa House Bill 7933, na naglalayong tumaas ng 78%, o sa P62,449, ang entry-level monthly pay ng lahat ng mga nars na nagtatrabaho sa mga ospital ng gobyerno ng Pilipinas.


Bukod dito, muling hinimok ni Defensor ang gobyerno na ibasura ang taunang limitasyon sa pagpapadala ng 7,000 sa Overseas Filipino Workers (OFW) o overseas deployment cap, dahil aniya, ito ay labag din sa konstitusyon.


Sinabi ni Defensor, na dapat tamasahin ng mga Pilipino ang karapatang mamuhay at magtrabaho, kung saan may oportunidad na, “Makamit nila ang pinakamahusay na kalidad ng buhay para sa kanilang mga pamilya.”


“May karapatang pumiling magtrabaho ang healthcare workers sa mga employer na makapagbibigay sa kanila ng pinakamataas na suweldo – kung sa Estados Unidos man o sa United Kingdom,” aniya.


Nanawagan ang mambabatas matapos makakuha ng licensure examination sa U.S. ang 9,788 nars sa unang pagkakataon noong 2021. Ito ay sa kabila ng mahigpit na paghihigpit sa paggalaw na nauugnay sa matagal na pandemya.


Ani Defensor, “Ang bilang na ito ay mas mataas ng 63% kumpara sa 6,004 na nagtapos ng nursing sa Pilipinas na kumuha ng eligibility test ng America o ang NCLEX, sa unang pagkakataon noong 2020, hindi kabilang ang mga repeater.”


Dagdag pa ni Defensor, na ang bilang ng mga nars na nakapag-aral sa Pilipinas na kumukuha ng NCLEX sa unang pagkakataon ay itinuturing na magandang indikasyon kung gaano karami ang nagsisikap na makakuha ng trabaho sa Amerika.


Ang tip ni Defensor para sa pamahalaan, “Kung gusto nating manatili sa bansa ang ating mga nars at iba pang propesyunal upang dito magtrabaho, talagang kailangan din nating pag-ukulan ng pansin ang kanilang pagpapataas ng kanilang suweldo at mga benepisyo.”


Tip naman ni Defensor sa mga healthcare workers natin, huwag hayaan ang mga pagsubok na maging balakid sa pagkamit ng kanilang mga pangarap.


***


Happy Chinese New Year din sa mga kaibigan nating Filipino-Chinese!


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page