ni Lolet Abania | March 1, 2022
Ipinahayag ng Malacañang ngayong Martes na wala pang inisyung order si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagpapatigil ng operasyon ng electronic/online sabong (e-sabong).
Ito ang naging tugon ni acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles isang araw matapos na ianunsiyo ni Senate President Vicente Sotto III na aniya, “the President has agreed to suspend the licenses for e-sabong operations,” sa gitna ng pagkawala ng tinatayang 31 sabungero.
Binase ni Sotto ang kanyang announcement sa naging pag-uusap nila ni Senador Ronald dela Rosa.
“Procedurally, kailangan ng Senate resolution to be sent to PAGCOR. Then PAGCOR [should be the one] to advise the Office of the President with regard to that,” paliwanag ni Nograles na ang tinutukoy ay Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
“The Resolution [has] yet to reach the PAGCOR or the OP,” sabi pa ni Nograles.
Ang Senate public order and dangerous drugs committee na pinamumunuan ni Dela Rosa ay inaprubahan na ang isang resolution na humihimok sa PAGCOR para isuspinde ang issuance ng mga lisensiya sa mga online sabong operations.
Comments