top of page
Search
BULGAR

Suspensiyon sa taas-hulog sa SSS, aprub na sa Kamara

ni Lolet Abania | January 21, 2021




Inaprubahan na ang panukalang suspensiyon sa pagtataas ng contribution rate ng Social Security System (SSS) sa committee level ng Kamara ngayong Huwebes.


Sa isang virtual hearing, naaprubahan ng House of Representatives Committee on Government Enterprises and Privatization ang hakbang na ipagpaliban muna ang pagpapatupad ngayong buwan ng pagtataas ng buwanang kontribusyon ng mga miyembro ng SSS na nanggagaling sa kanilang mga sahod, na gawing 13% mula sa dating 12% lamang.


Maraming panukala ang naihain sa Kamara kung saan pinagsama-sama ito upang mabuo ang House Bill 8317 na inihain ni House Speaker Lord Allan Jay Velasco na magbibigay kapangyarihan sa Pangulo upang suspendihin ang nakatakdang pagtataas ng SSS contribution rates.


"We are witnesses to the negative impact of the COVID-19 outbreak. Under this pretext, the sovereign government must be given the prerogative to bend the rules of the social security law in favor of the greater good," ayon sa nakasaad na paliwanag ng panukala.


"Increasing the rate of contributions of SSS members will strikingly undermine the recovery effort of everyone suffering from job losses, wage reduction, business closures, and health-related issues," dagdag pang pahayag.


Sa ilalim ng Social Security Act (SSA) of 2018, nakatakdang mag-increase ang SSS sa monthly contribution ng lahat ng miyembro nito upang masiguro ang long term viability ng pension fund at dagdag pang benepisyo na isusulong.


Depensa ng SSS, kinakailangan na dagdagan ang contribution rate ngayong taon, subalit ayon sa kanilang pangulo at chief executive officer na si Aurora Ignacio, susunod ang ahensiya sakaling ipag-utos ng Malacañang ang pagpapaliban ng pagtataas nito.


Nakasaad sa mandato ng SSS na dapat na itaguyod ng ahensiya ang social justice at pagbibigay ng proteksiyon sa mga miyembro at pamilya nito sa maaaring mangyari tulad ng disability, sickness, maternity, old age, death, at iba pa na posibleng magresulta sa kawalan ng income o anumang pinansiyal na suliranin.


Matatandaang ipinag-utos din ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapaliban ng 2021 contribution hike sa mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) dahil sa nararanasan ng bansa sa pandemya ng COVID-19.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page