ni Mary Gutierrez Almirañez | February 10, 2021
Patuloy pa ring nananawagan sa suspensiyon ng Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVIC) si Senator Grace Poe, kasama ang iba pang senador, kung saan halos triple ang itinaas ng babayaran para makapagparehistro ng sasakyan dahil sa ipinapatupad ngayong Motor Vehicle Inspection System (MVIS).
Lumabas pa sa pagdinig na 138 lang ang gagawing Motor Vehicle Inspection Centers, gayung labingdalawang milyong sasakyan mayroon ang buong bansa. Sa 138 na ito ay 23 pa lang ang bukas na sa ngayon.
Ayon sa panayam kay Poe, magandang programa ang motor vehicle inspection service dahil sa road worthiness at seguridad ng mga motorista. Ang problema, hindi sila dumaan sa tamang bidding process na kailangan sa public – private partnership. May mga kuwestiyonableng pagdinig sa pagitan ng DOTr at LTO kung saan hindi nakadalo ang mga lider ng iba’t ibang adbokasiya. Kaya, wala diumano sa tamang oras ang pagpapatupad ng taas-presyong singil sa mga pribadong motorista mula P400.00 - P500.00 hanggang P1,500.00 – P1, 800.00 lalo na’t nasa pandemya pa rin ang bansa.
Tanong naman ni Sen. Ralph Recto, mayroon bang batas na pinapayagan ang LTO na isapribado ito nang biglaan? Kailangan ding dumaan sa National Economic Development Authority (NEDA) kung magtataas sila ng singil.
Ngunit ang pahayag ng LTO, hindi nila iyon ipinaalam sa NEDA at nagbase lang sila sa konsultasyon na ginawa ng LTO sa iba’t ibang sektor.
“'Yung mga taong nanonood ngayon, iisiping ito’y isang malaking raket,” giit naman ni Senator Joel Villanueva. “Kaya marapat na ito ay immediately i-suspend muna at pag-aralang mabuti.”
Sa susunod na linggo, isusumite ni Poe ang report hinggil sa pagsususpinde sa Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVIC).
Comments