ni Zel Fernandez | May 3, 2022
Iniutos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang agarang pagpapatigil ng operasyon ng E-Sabong sa bansa, batay sa rekomendasyon ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año.
"And the recommendation of Secretary Año is to do away with E-Sabong. He cited the validation report coming from all sources. So, since it's his recommendation and I agreed with it and it is good, so E-Sabong will end by tonight," anang pangulo sa Talk to the People na nai-taped kagabi ng Lunes, na ipinalabas naman ngayong Martes nang umaga.
Nauna nang naatasan ni Pangulong Duterte si Año na magsagawa ng survey ukol sa "social impact" ng E-Sabong sa mga mamamayanang Pilipino kung saan tinukoy ng kalihim ang mga hindi pa rin nareresolbang pagkawala ng ilang mga sabungero sa bansa.
Isa rin sa mga nabanggit ng pangulo na impluwensiya umano ng online sabong sa mga Pinoy ay ang kakulangan sa tulog o pagiging puyat dahil sa pagkaadik dito.
Aniya, "It might not be sophisticated, but still, it is a survey. [It is] loud and very clear to me that it was working against our values."
Gayundin, ang pagpapatigil umano ng E-Sabong sa bansa ay kasunod ng dumaraming panawagan na suspendihin na ang multibillion cockfighting industry na hinihinalang may kaugnayan sa mga kidnapping at pagkawala ng mga sabungero sa mga nagdaang buwan.
Ang naturang pagpapatigil sa online sabong ay nilagdaan ng halos 23 senador sa ilalim ng Resolution 996, na humihimok sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na suspendihin ang lisensiya ng mga E-Sabong operators at agarang ipatigil ang lahat ng mga aktibidad na may kaugnayan dito hanggang sa maresolba na ang kaso ng 31 nawawalang sabungero.
Bago ito, hindi inaprubahan ni Duterte ang panawagang suspensiyon sa E-Sabong operations dahil kumikita umano nang milyon ang gobyerno mula sa mga pustahan sa naturang sugal. Kaya sa halip, inutusan nito ang Kongreso sa regulasyon ng operasyon nito sa pamamagitan ng paghahain ng legislative franchise.
Gayunman, kalaunan ay naging bukas ang pangulo sa panawagang pagpapatigil ng E-Sabong bunsod ng malinaw na "social problem" na kinasasangkutan ng mga sabungero at ng kanilang mga pamilya.
Kaugnay nito, tinatayang aabot sa P3.69 bilyon ang nakolekta ng gobyerno sa gaming operations ng walong E-Sabong licensees mula noong Abril hanggang Disyembre 2021, batay sa datos na inilabas ng PAGCOR.
Samantala, mula Enero hanggang nitong Marso 15, 2022 ay nagkaroon naman umano ng koleksiyon na nasa P1.37 bilyon mula sa operasyon ng pito pang licensees.
Comments