ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | October 06, 2023
Ang camouflage ay pamamaraan o resulta ng pagkukubli upang madaya ang paningin ng sinuman. Ginagawa ito ng mga pulis at militar upang maging bahagi sila ng kapaligiran o mga bagay rito sa panahon ng labanan, katulad ng mga puno, daan, gusali o anumang istruktura na ginagamit sa pagtatanggol.
May mga hayop din na nagko-camouflage, katulad ng owl butterfly habang nakakubli sa kagubatan, nakakapanlinlang ito ng maliliit na ibon. Ang tila mga mata ng kuwago na natural na nakadisenyo sa mga pakpak nito ay nagmimistulang kuwago mismo, kaya ang owl butterfly ay kinatatakutan ng maliliit na ibon, habang ang leopard naman ay humahalo sa mga puno, sanga, o mga dahon ng kahoy upang mapasakamay nito ang walang kamalay-malay niyang biktima.
Sa kasong hawak ng aming tanggapan na “People of the Philippines vs. Rene Ramos y Bulangan (CA-G.R. CR No. 42422, November 17, 2020, sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Myra V. Garcia-Fernandez [16th Division]), nabanggit ang camouflage na jacket. May nakitang lalaki na nakasuot nito. Pagkaraan ng ilang minuto, may narinig silang malakas na putok ng baril, nakitang duguan ang biktima hanggang sa tuluyan na itong malagutan ng hininga. Nagtila isang leopardo ba ang mamang nakasuot ng camouflage jacket? Siya ba ang dahilan sa patuloy na daing ng biktima at pamilya nitong naulila? Basahin at alamin natin sa kuwentong tampok sa artikulong ito na hango sa nabanggit na kaso.
Ang buhay ay sadyang maiksi. Hindi natin alam kung kailan ito babawiin sa atin at sa kung paanong paraan. Para sa biktimang si Felicito, kinitil ang kanyang buhay sa malagim na pamamaraan. Siya ay binaril at agad na binawian ng buhay. Ang taong pinagbintangan ay si Rene, na mariing itinanggi ang akusasyon laban sa kanya.
Bandang alas-8:00 ng gabi noong Agosto 31, 2017 sa siyudad ng Baguio, nagtungo si Felicito sa videoke bar na pagmamay-ari ng kanyang anak. Naikuwento umano ni Felicito kay Alfonso, manager ng nasabing establisyemento, na kakarating pa lamang niya ng Baguio noong gabing iyon at nais lamang niyang uminom upang siya ay makatulog.
Alas-10:30 ng gabi, dumating ang isang may-katangkarang lalaki, nakasuot ng asul na face mask at t-shirt, kayumangging shorts at pulang tsinelas. Napansin ni Alfonso na paikut-ikot ito sa loob ng bar bago nito lapitan si Felicito, ilang saglit ay umalis na rin ang naturang lalaki.
Makalipas ang ilang minuto ay isa pang lalaki ang dumating. Siya ay nakasuot ng shorts at camouflage na jacket. Narinig diumano ni Alfonso na nagsalita ang nasabing lalaki na kilala nito si Felicito. At nang sumagot din umano si Felicito sa nasabing lalaki ay tumahimik ito at umalis.
Ayon kay Alfonso, tinawag siya ni Felicito at sinabing “Lalabas lang ako, may pupuntahan lang.”
Paglabas ni Felicito ay nakita ni Alfonso ang lalaki na naka-camouflage na jacket na sumilip muli sa kanilang bar at agad ding umalis. Matapos ang ilang minuto ay nakarinig ng malakas na putok ng baril si Alfonso. Agad siyang lumabas at nakitang duguan si Felicito. Sinubukan pa ni Alfonso na humingi ng saklolo ngunit napansin nitong wala nang buhay ang biktima.
Ayon naman sa testimonya ni Noel, nagtatrabaho bilang kahero sa isa pang establisyemento, nakita niya sa labas ng bar si Felicito noong gabi ng insidente. Habang sila ay nag-uusap, lumapit diumano si Rene na noon ay nakasuot ng camouflage na jacket, shorts at tsinelas. Nagkamustahan diumano ang dalawa at nag-usap.
Iniwan ni Noel ang ang dalawa upang asikasuhin ibang customers. Tatlong segundo lamang diumano ang nakalipas ay nakarinig siya ng putok ng baril. Agad na tumakbo si Noel sa labas at nakitang duguan na nakahandusay si Felicito. Nakita rin ni Noel na tumatakbo si Rene na mayroong hawak na baril. Sinubukan niyang habulin si Rene ngunit pinigilan siya ng ibang tao na nanru’n dahil nga mayroon itong dalang baril.
Sa pag-iimbestiga sa pamamaril, pinakitaan ng mga litrato sina Alfonso at Noel na kung saan ay natukoy nila si Rene. Mula sa kanilang mga testimonya ay sinampahan ng kasong homicide si Rene. Tanging si Rene lamang ang tumayong testigo para sa panig ng depensa, ar mariin niya itong itinanggi sa hukuman.
Ayon kay Rene, bagama’t kilala niya ang biktima at kausap noong gabing iyon, sila ay magkaharap; gayung ang tama ng bala sa biktima ay mula sa likuran nito. Ang bumaril umano sa biktima ay ang parehong lalaki na nakita niyang nakikipagtalo kay Felicito bago ang insidente.
Ipinaliwanag niya rin na napilitan siyang tumakbo matapos marinig ang putok ng baril dahil bigla na lamang mayroong humahabol sa kanya. Ilang araw din siyang hindi lumapit sa pulis dahil sa takot na kanyang naramdaman.
Conviction ang hinatol ng Regional Trial Court (RTC). Maliban sa parusang pagkakakulong, pinagbabayad din si Rene para sa pinsala sa mga naulila.
Agad na umapela si Rene sa Court of Appeals (CA). Kinuwestiyon niya ang naging hatol ng RTC samantalang walang saksi sa mismong pagkakabaril kay Felicito. Iginiit niya rin na hindi sapat ang ebidensya na isinumite ng taga-usig ukol sa pagkakakilanlan ng bumaril at hindi rin sapat ang kabuuang sirkumstansya na ipiniresenta sa RTC upang masabi na siya ang pumaslang.
Matapos ang maingat na pagsusuri ng CA, kinatigan ang posisyon ni Rene. Hindi nakumbinsi nang may moral na katiyakan ang CA na si Rene nga ang pumaslang kay Felicito. Bagama’t kapwa itinuro ng parehong testigo, na sina Alfonso at Noel, na si Rene ang lalaking kanilang tinutukoy, kapuna-puna sa CA na pareho nilang hindi nakita ang mismong akto ng pamamaril kay Felicito.
Ayon sa CA, ang testimonya nila ay tumutukoy lamang na si Rene ang huli nilang nakita na kausap ni Felicito, ngunit hindi ang aktuwal na pagpaslang sa biktima.
Binigyang-diin ng CA na maliban sa kahalagahan ng pagpapatunay sa mga elemento ng krimen, mahalaga rin na mapatunayan nang walang pag-aalinlangan ang pagkakakilanlan ng gumawa nito.
Batay sa CA, sa panulat ni Honorable Associate Justice Myra V. Garcia-Fernandez:
“Before the prosecution concerns itself with the existence of the elements of a crime, it must first discharge the burden of proving that an accused is correctly identified. In People vs. Arapok, the Supreme Court stressed that the correct identification of the author of a crime should be the primal concern of criminal prosecution in any civilized legal system.
Corollary to this is the actuality of the commission of the offense with the participation of the accused. All these must be proved by the prosecution beyond reasonable doubt on the strength of its evidence and without solace from the weakness of the defense. Thus, even if the defense of the accused may be weak, the same is inconsequential if, in the first place, the prosecution failed to discharge the onus on his identity and culpability. The presumption of innocence dictates that it is for the people to demonstrate guilt and not for the accused to establish innocence.”
Bagama’t nagpresenta rin ang prosekusyon ng circumstantial evidence, para sa CA ay hindi nito naalis ang posibilidad na maaaring ibang tao ang gumawa ng krimen.
Sapagkat, sadyang hindi napatunayan ng taga-usig ang pagkakakilanlan ng pumaslang kay Felicito, akma lamang na ipawalang-sala si Rene.
Ang karumal-dumal na pagpaslang kay Felicito ay dapat mabigyan ng hustisya. Nawa’y matukoy nang mayroong katiyakan kung sinuman ang totoong pumaslang sa kanya upang makamit na ng biktima at kanyang mga naulila ang karampatang hustisya.
Comments