top of page
Search
BULGAR

Survival grab bag, ikasa; Disaster response sa mga apektado ng pag-aalburuto ng taal, paigtingin

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | March 29, 2022


Matapos ang pagputok ng Bulkang Taal noong Enero 2020, heto na naman ang panibagong nakagugulantang na pagsabog ng bulkan.


Tila nanumbalik ang takot ng ating mga kababayan para sa kanilang buhay at kabuhayan.


Wala naman tayong masasabi sa mga disaster response ng ating national government at mga LGU. Talaga namang to the rescue at inilikas nila agad ang mga residenteng apektado ng pagputok ng Bulkang Taal partikular na 'yung mga nakatira sa Agoncillo, Laurel Batangas.


Napapabuntunghininga na lang tayo na ngayong lumuluwag-luwag na ang restriksyon sa pandemya, pumalit naman ang dagok ng pag-aalburuto ng bulkan.


Harinawa eh, humupa agad ang nagngangalit na Taal volcano.


Sa gitna ng mga pabugso-bugsong mga pag-aalburuto ng bulkan, makabubuting mas paigtingin natin ang pagsasanay sa kahandaan sa sakuna ng ating mga kababayang taga-Batangas, di bah!


Isa sa IMEEsolusyon n'yan, masiguradong maihahanda ng mga Batangueño nating mga kababayan ang ilang pangunahing mga kailangan sa ganitong mga kalamidad o sakuna.

Partikular na ang 'grab bag o survival kit' ng bawat miyembro ng pamilya na naglalaman ng mga ID, mga food pack, kendi, tubig, ilang mga damit, first aid kit, wet wipes, lubid, flashlight, flare, cellphone, mga power bank, mga baterya, ballpen, papel, cash money, compass at mapa, kumot o blanket, face mask tulad ng N95.


Pero para naman sa pangmatagalang plano, regular nating sanayin ang mga lokal na residente doon pagdating sa disaster response at obligahin natin ang bawat pamilya na magtabi ng listahan ng mga contact number ng mga lokal na disaster officials na kanilang tatawagan sa tuwing nag-aalburuto ang bulkan at nangangailangan ng rescue ang mga residente.


Pangmatagalan namang IMEEsolusyon ang ating rekomendasyong maglatag ng klarong planong programang pangkabuhayan para sa mga residenteng nakatira sa paligid ng bulkan para naman umalis na sila sa danger zone at huwag nang bumalik pa doon kapag humupa na ang galit ng Bulkang Taal.


Aminin man natin o hindi, hindi natin basta-basta mapapaalis o mapapalipat ang ating mga kababayang nakatira malapit sa bulkan dahil naroon ang kanilang kabuhayan at tirahan lalo na ang farming at turismo di bah?


Kaya kailangan talagang malatagan sila ng ating gobyerno katuwang ang LGUs at mga pribadong grupo sa Batangas ng nasabing 'livelihood programs' na may maganda-gandang kita.


Hindi natin kayang mahulaaan kung kailan mag-aalburuto ang bulkan, kaya mas maiging anumang oras ay lagi silang handa para masigurado rin natin ang kanilang kaligtasan. Agree?

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page