ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | April 18, 2021
Sabi nila maging ang gusto mo man ay laksa-laksang bulaklak ng rosas o kaya ay mga gulay ang nasa likod bahay mo, ang iyong paboritong hardin ang siyang magbibigay ng ideya kung sino ka. “Hindi lang ang tao kundi maging ang halaman ay napaka-emosyonal,” ani Richard Mattson, Ph.D., na espesyalista sa “garden therapy” ng Kansas State University.
“ Nagpupunta tayo o tumatambay sa ating halamanan o hardin para makapag-relaks, umani ng gulay, at pagandahin ang paligid…kaya naman ang hardin ay masasabing siyang gabay para makita ang iba’t ibang mukha ng iyong personalidad.”
Pagmasdan mo ang hardin na gustung-gusto mo at diskubrehin ang iyong ugali mula rito.
KAPAG TEMANG ASIAN GARDENS: Ito ang mga hardin na pangkaraniwang nakikita sa mga bansa sa Asya. Ikaw ay masasabing perceptive strategizer. Mula sa kahanga-hangang fountains hanggang sa mga kakaibang bato at matitingkad na kulay ng lanterns, bawat relaxing element na iyan na makikita sa isang Asian garden ay maihahalintulad sa Zen jigsaw puzzle at nagsasaad ng perpektong balanse. “Malakas ang iyong atraksyon sa maliliit na detalye ng bulaklak dahil balanse ang lahat ng iyong pananaw sa pag-aayos ng sarili,” ani Mattson. Bawat piraso kasi ng bato at maliliit na detalye ng hardin ay nagagawa mong makalikha ng maganda at kahanga-hangang estilo, kaya nasusuri mong mabuti ang mapa ng iyong kinabukasan.
KUNG HILIG MO ANG VEGETABLE GARDEN: Kapag ganito ang klase ng hardin mo sa bahay, ikaw ay isang energetic people-person. “Sa isinagawang pag-aaral, ipinakita na iyong mahilig na umani ng gulay o may sariling hardin ng mga gulay sa bahay ay nakakabata o may lakas na parang sa kabataan,” ani Mattson, na ipinaliwanag na ang mga gulay ay “socially interactive” crop. At dahil ang gulayan ay karaniwan talagang hinihingi ng kapitbahay, may atraksiyon ka bilang outgoing personality. Ito na rin ang nagsasabing may koneksiyon ka sa ibang tao, madali kang lapitan, friendly. Ang pagmamahal mo na rin sa mga gulay ay perpektong outlet na iyong masigla, energetic at hindi maramot na personalidad.
FLOWER O ROSE GARDENS: Sensitibo ika nga ang taong mahilig sa hardin ng mga bulaklak o rosas. At dahil ang rosas ay deeply emotional at higit na kinahuhumalingang bango at ganda dahil sa nostalgic significance nito, ikaw na rin ang taong mapagmahal, maalaga, ‘feeling’ sentro ng pamilya ika nga. Ikaw din ang taong goal-oriented. Mapagkompetensiya rin ang taong ito. Hindi kuntento na basta na lang na hangaan ang kagandahan na sa isang tingin lamang, determinado kang maperpekto ang isang bagay na sa tingin mo’y kailangan pang pagandahan. Sa hardin man o sa pinili mong career.
HERB GARDENS: Ikaw ay kompleksitong matalino. Kung mahilig ka sa paghahardin ng herbal, ikaw ay sobrang matalino. At dahil sa rami ng pakinabang ng mga halamang herbal, mula sa panggagamot hanggang sa paghahalo sa pagluluto, malawak ang iyong kaalaman base na rin sa pagkilala sa bawat isang herbal plant na iyong itinatanim. Maging gusto mo man ang stress-reducing lavender o ang basil na pampasarap sa pagluluto ng pasta, ang herb garden na rin ang magsasabi na taglay mo ang matitinding superpowers sa katawan na nangangailangan ng mahabaang tiyaga at pagsasaliksik upang mamaster mo ito. Kaya hindi kataka-takang tawagin kang intellectual superman o superwoman.
FORMAL GARDENS: Ikaw ay isang artistic leader. Ang makita pa lamang ang pagka-elegante ng eksaktong pagkaka-trim line ng iyong mga halaman, ang isang pormal na hardin ay kinokontrol, kaya naman nakikita rito ang iyong malakas at matapang na ugali. Hindi tulad ng Asian garden, kung saan iniisa-isa ng indibidwal ang pagsalansan ng mga bato o mga halaman para makalikha ng isang magandang hardin, bawat flowerbed o piraso ng halaman sa formal garden ay lilikhain niyang parang may hugis puso, pagpapantay-pantayin ang mga dahon, laki at taas ng halaman para lumikha ng isang arko sa daanan. Sa hardin na ito, makikita ang iyong sense of design at creativity.
Comments