top of page
Search
BULGAR

Suportahan natin ang mga lokal na produkto at maliliit na negosyo...

Sabay-sabay tayong bumangon sa panahon ng pandemya!

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | June 27, 2020


Imbes na unahin ang pagpapataw ng buwis sa mga online seller, bakit hindi na lang ito mas palawigin pa? Sa ganitong paraan, mas kumbinyente para sa publiko ang pamimili ng kani-kanilang mga kailangan na hindi na kailangang magtungo pa sa mga pamilihan na maaaring maging banta pa sa kanilang kalusugan.


Matatandaan natin na nitong nakaraang linggo, lumutang ang plano ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na patawan ng buwis ang mga online sellers.


Ang sabi nga natin, bakit ngayon pa ito naisipan ng gobyerno kung kailan nasa panahon tayo ng pandemya? May pandemic tayo at hindi nakakatulong ang ganito sa maliliit na negosyo.


Marami sa mga kababayan natin ang nawalan ng trabaho at para kumita kahit sa maliit na paraan, sumubok sila sa online selling. Huwag na nating dagdagan ang mga pasanin nila sa buhay ngayong mga panahong ito sa pamamagitan ng pagbubuwis sa kanilang maliit na kabuhayan.


At kaugnay niyan, tayo ay may panawagan sa Department of Trade and Industry (DTI) na mas palakasin ang kanilang suporta sa MSMEs o micro, small and medium enterprises. Suporta para makilala sa merkado ang kanilang mga negosyo na lubhang naapektuhan ng pandemya. Ito ay ang tulungan silang mapabilang sa online selling.


Alam naman ng lahat, tatlong buwan tayong sumailalim sa mahigpit na community quarantine, kaya ang MSMEs natin, lalo na ‘yung mga nasa indigenous community, talagang nagkalugi-lugi dahil wala na halos namimili.


Ihalimbawa na lang natin sa kanila ang mga community weaver o maghahabi sa Batangas. Paano nila maibebenta ang kanilang mga produkto ngayong wala pang panuntunan ang gobyerno na nagpapahintulot sa mga pagbiyahe? ‘Yung mga katulad nila ang ilan sa mga dapat tutukan ng DTI para naman magtuluy-tuloy ang takbo ng kanilang hanapbuhay. At dito, malaking tulong sa kanila kung masusuportahan silang mag-online selling.


Napakasakit na ang isang kulturang tulad ng paghahabi ay tatalikuran na lang dahil sa pandemya. Ang sabi raw kasi ng ating Batangas weavers, dahil hindi na bumibenta ang kanilang mga produkto ay magtitinda na lang sila ng gulay at isda. Nakakalungkot namang isipin ‘yan. Naniniwala tayo na kung patuloy na makikita ng ating mga kababayan ang mga produktong ‘yan, muli itong aalagwa.


Napakaraming sektor pangkabuhayan ang naapektuhan kaya pakiusap din natin sa DTI, maging ang mga magsasaka at mangingisda ay matulungan din. Kung ito ngang mga negosyo sa siyudad ay apektado, paano pa ang mga kabuhayan sa malalayong probinsiya?


Sana, maging ang mga kababayan nating may maliit na pangkabuhayan sa far flung areas, masuportahan din ng gobyerno sa pamamagitan ng online selling o kung hindi man ay sa iba pang mga posibleng paraan.


Masigasig ang pagsusulong natin sa kapakanan ng ating MSMEs dahil may kinalaman din ito sa adbokasiya nating mapalakas ang mga ating mga produktong lokal.


Kaya nga’t hinihikayat din natin ang DTI na patuloy na makipag-ugnayan sa e-commerce platforms tulad ng Lazada at shopinas upang manatiling available online ang ang mga produkto ng “Go Lokal”.


Hinihikayat din natin ang ating mga kababayang suki ng online sellers na suportahan din natin ang maliliit na negosyong pag-aari ng mga kapwa nating Pinoy. Bumili tayo ng kanilang mga produkto dahil sa ganitong paraan, makatutulong tayo ng malaki sa kanila lalo na ngayong panahon ng pandemya. Hindi lang kasi natin mapapalakas ang negosyo nila sa ganitong paraan, nakatutulong din tayong makalikha ng trabaho para sa mga nangangailangan. Liban pa riyan, nagkakatulungan tayong ibangon ang ating ekonomiya na dumaranas ng matinding hagupit ngayon dulot ng COVID-19 pandemic.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page