top of page
Search
BULGAR

Suportahan at ipagmalaki ang mga atletang Pilipinong kalahok sa 32nd SEA Games

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | May 12, 2023


Bilang suporta sa ating mga atletang Pilipino na sumasabak ngayon sa ginaganap na 32nd Southeast Asian Games, bumiyahe tayo sa Cambodia para saksihan ang kanilang mga laro at makiisa sa ating mga kababayan doon na mag-cheer at pataasin ang kanilang kumpiyansa at morale.

Bilang Chair ng Senate Committee on Sports, napakaimportante para sa akin na ma-evaluate kung anong aspeto pa ng ating sports programs ang higit na dapat tutukan para aktuwal na makita kung paano mas masusuportahan ang ating mga atleta. Kasama rito ang pakikipagpalitan ng best practices sa ibang bansa para masigurong “at par” tayo sa world-class standards.

Maganda ang ipinapakitang performance ng ating mga atleta at umaasa tayong sa pagtatapos ng kompetisyon ay mataas ang ating medal standing. Malaking paghahanda na rin ito at pagsasanay para sa mga darating pang kompetisyon na kanilang lalahukan.

Sa ating parte, inisponsoran at ipinaglaban natin sa Senado ang karagdagang pondo para sa Philippine Sports Commission noong deliberasyon para sa ating 2023 budget, partikular ang para sa grassroots sports development at suporta sa ating mga atletang lalahok sa mga international competitions. Sa katunayan, dapat ay humigit-kumulang sa P200 milyon lang ang budget para sa PSC, pero ipinanukala at isinulong natin na madagdagan ito ng P1 bilyon, kung saan kasama na ang pondo para sa mga lalahok sa SEA Games, Asian Games, at 2024 Paris Olympics.

Makatatanggap din ng suporta ang mga atletang lalahok sa ASEAN Para Games, Asian Indoor Martial Arts Games, World Combat Games, World Beach Games, Asian Beach Games, at World Beach Games. May bahagi ng pondo na inilaan din para sa pagho-host ng Pilipinas ng 2023 FIBA World Cup at iba pang sports programs gaya ng Batang Pinoy, Philippine National Games, at ang grassroots program na nasa ilalim ng Sports Development Council. Naglaan din ng pondo para sa pagpapatayo ng sports facilities sa buong bansa, at para sa mas pinalawak na research and development sa larangan ng sports sciences and sports technology.

Suportado natin lagi ang ating mga atleta. Bukod sa bisyo natin ang magserbisyo, bata pa lang ako ay mahilig na akong maglaro ng basketball at hanggang ngayon ay isa akong sports enthusiast. Naniniwala rin ako na isang paraan ang sports para mailayo ang ating mga kabataan sa ilegal na droga at manatiling malusog ang kanilang pangangatawan at isipan. Ang lagi kong payo sa kanila, get into sports, stay away from drugs.

Bukod naman sa mga atletang sumasabak sa SEA Games, kinikilala rin natin ang tagumpay ng iba pa nating atleta. Noong Mayo 10 ay inisponsoran natin ang Senate Resolution na nagbibigay-pugay sa Filipino boxer na si Marlon Tapales na nagwagi sa kanyang mga laban sa World Boxing Association at International Boxing Federation World Super Bantamweight titles at nakalikha na ng sariling tatak sa larangan ng boxing.


Ang kanyang mga panalo ay naghatid ng tagumpay sa kanyang pamilya, mga kaibigan at sa ating bansa, at magsisilbing inspirasyon sa iba pang kabataang atleta.

Ngayong linggong ito ay patuloy din tayo sa paglalapit at paghahatid ng serbisyo ng pamahalaan sa iba’t ibang panig ng ating bansa. Noong Huwebes, Mayo 11 ay biyaheng Nueva Ecija tayo at nag-inspeksyon sa itinayong Talavera Bridge. Ang proyekto ay napondohan sa ating tulong bilang Vice Chair ng Senate Committee on Finance.


Matapos ito ay dumiretso tayo sa Talavera General Hospital para sa monitoring visit ng Malasakit Center doon para tiyakin na patuloy nitong naseserbisyuhan ang mahihirap na pasyente na walang ibang matatakbuhan maliban sa pamahalaan. Naghatid tayo ng tulong sa 79 pasyente at 406 frontliners, habang may hiwalay na ayuda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga kuwalipikadong pasyente.

Nag-inspeksyon din tayo sa Llanera Super Health Center, na bukod sa magkakaloob ng kinakailangang serbisyong medikal ay bahagi rin ng ating layunin bilang Chair ng Senate Committee on Health na mas mapalakas pa ang ating healthcare system, lalo na sa malalayong komunidad. Sinaksihan din natin ang inagurasyon ng public wet market sa Llanera na napondohan din ng gobyerno sa tulong natin. Bago natapos ang araw, pinangunahan natin ang pamamahagi ng tulong para sa 1,000 mahihirap na residente ng Llanera.

Bilang adopted son ng Nueva Ecija, masaya ako na nabigyan ng oportunidad na mas makatulong sa mga kapatid nating nangangailangan doon.

Binisita naman natin noong Miyerkules, Mayo 10 ang 672 kababayan nating biktima ng insidente ng sunog sa Pritil Public Market, Tondo, Maynila para maalalayan sila at mapagkalooban ng pangunahing pangangailangan. Napakahirap ng kalagayan ng ilang market at ambulant vendors, na bukod sa natupok ang kanilang mga gamit o tinda sa palengke ay problema rin ang kanilang puwesto. Prayoridad natin ang maagap na pagpapagaan sa pagsubok na kanilang kinakaharap. Nakiusap ako sa mga ahensya ng gobyerno na mabigyan sila ng dagdag na livelihood support para mas makabangon muli.

Hindi rin natin kinaligtaan ang iba pa nating kababayan na nahaharap sa iba’t ibang krisis. Agad tayong umalalay sa mga biktima ng sunog tulad ng 205 residente ng Taytay, Rizal; 58 sa Bgy. 38, Caloocan City; at 12 sa Bgy. Sicsican, Puerto Princesa City, Palawan.


Naayudahan din natin ang 2,199 indigent na mga estudyante sa Gingoog City, Misamis Oriental. Dagdag pa rito, naghatid din ng tulong ang aking opisina sa 233 nating kababayan sa Casiguran, Aurora; 332 sa Minalin, Pampanga; 150 sa Malitbog, Bukidnon; 141 sa General Natividad, Nueva Ecija; 129 sa Hamtic, Antique; 50 sa Naawan, at 50 rin sa Jasaan sa Misamis Oriental; 45 sa Malolos City, at 44 sa Sta. Maria sa Bulacan.

Nagpapasalamat tayo sa mga lokal na opisyal ng mga lugar na nabanggit sa pagsuporta sa ating adhikain na ilapit ang serbisyo ng gobyerno sa mga kababayan nating hopeless, helpless at higit na nangangailangan.


Suportahan at ipanalangin natin ang tagumpay ng ating mga atletang sumasabak sa SEA Games. Ipakita natin sa buong mundo ang husay at galing ng manlalarong Pilipino.


Bukod sa pag-alalay sa mga Pilipinong nais mag-uwi ng karangalan sa bansa, alalayan din natin ang ating mga kababayan dito na nangangailangan ng ating pag-aaruga at pagmamalasakit. Ibigay natin sa kanila ang serbisyong nararapat para makabangon sa hirap, at magkaroon ng mas ligtas at matiwasay na buhay ang lahat.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Opmerkingen


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page