ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | February 28, 2024
Tayong mga Pilipino ay family-oriented. Inaalagaan natin ang ating mga senior citizen. Kaya naman masaya kong ibinabalita na ganap nang batas ang Republic Act 11982, o ang Amendments to the Centenarians Act of 2016, na isa tayo sa co-author at co-sponsor habang principal sponsor naman si Sen. Imee Marcos. Nagpapasalamat tayo kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na nilagdaan ito noong February 26, 2024.
Sa pamamagitan ng bagong batas na ito, ang ating mga nakatatanda na sasapit sa edad na 80 ay makatatanggap ng cash gift na P10,000 kada limang taon. Tatanggap naman sila ng P100,000 pagsapit nila sa ika-100 taon.
Nasa kultura na nating mga Pilipino na alagaan ang ating mga nakakatanda. Dapat natin silang suportahan at bigyan ng pagkilala. Habang kaya pang pakinabangan at ma-enjoy ng senior citizen ang cash gift, ibigay na natin sa kanila hanggang malalakas pa sila. Maganda rin na may inaasahan ang ating mga senior citizen pagtuntong nila ng 80, 85, 90, 95 at 100 years old. Anuman ang halaga, maaari itong magsilbing inspirasyon sa kanila para mas maging positibo ang kanilang pananaw at mag-improve ang kanilang kalusugan.
Ang batas na ito ay patunay ng aming malasakit at pagpapahalaga sa ating mga senior citizen na nag-ambag sa pag-unlad ng ating bansa. Hindi natin sila pababayaan, lalo na ang mga mahihirap at pinakanangangailangan.
Nilagdaan na rin ni Pangulong Marcos ang Republic Act No. 11981, o Tatak Pinoy Act. Isa rin tayo sa co-author ng batas na ito habang principal sponsor naman si Senator Sonny Angara. Sa pamamagitan ng RA 11981, mapapalakas natin ang partnership sa pagitan ng pamahalaan at ng pribadong sektor para mapalaganap ang mga produkto at serbisyong Pilipino sa pamamagitan ng pagkakaloob sa mga lokal na industriya ng teknikal at pinansyal na tulong para makapaglabas tayo ng mga high-quality products and services na kaya nating ipantapat at ibida sa buong mundo.
Sa kabila ng mga naisasakatuparan natin sa ating mga gawain sa Senado para makapaghatid ng serbisyo sa iba’t ibang sektor ng ating lipunan, patuloy rin tayo sa personal na paghahatid ng tulong sa ating mga kababayan sa abot ng ating makakaya at kapasidad.
Noong February 25 ay nakisalamuha tayo sa mga dating miyembro ng Sangguniang Kabataan ng Laguna kasama ang mga lokal na opisyal ng lalawigan sa pangunguna nina Governor Ramil Hernandez at Vice Governor Karen Agapay. Matapos ito ay personal nating binisita at inalam ang kalagayan ng 66 residente sa Cebu City na nagmula pa sa iba’t ibang barangay na naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog. Pinangunahan din natin ang pagbibigay sa kanila ng tulong.
Nagbalik tayo sa Laguna noong February 26 bilang guest speaker sa ika-100 anibersaryo ng Laguna Medical Center na nasa bayan ng Sta. Cruz. Namahagi rin tayo ng lugaw sa mga health workers at pasyenteng nasa Malasakit Center ng LMC.
Kahapon, February 27, binisita natin ang 289 residente na naging biktima ng sunog mula sa iba’t ibang barangay sa Maynila, at personal nating pinangunahan ang pagkakaloob sa kanila ng tulong. Nakatanggap din ang mga ito ng tulong mula sa National Housing Authority sa ilalim ng programang isinulong natin noon para may pambili ng pako, yero, semento at iba pang materyales ang mga benepisyaryo sa pagkukumpuni ng kanilang mga nasirang tahanan.
Matapos ito, sunod naman nating binigyan ng tulong ang 190 na nasunugan din sa Brgy. 52 Zone 4 District 1, sa Maynila pa rin katuwang si Barangay Chairman Fernand Aguilera.
Naayudahan naman ng aking Malasakit Team ang 76 na residente ng Maasim, Sarangani na ang kabuhayan ay naapektuhan ng bagyong Paeng. Nabigyan din ng tulong ang 91 residente ng Addition Hills, Mandaluyong City na naging biktima ng insidente ng sunog.
Nakatanggap din ang mga ito ng tulong mula sa national government.
Ang respetong ibinibigay natin sa ating mga nakatatanda at ang patuloy na pagkakaloob sa kanila ng tulong at serbisyo ay bahagi ng ating pagkilala sa naiambag nila sa ating buhay at sa ating bansa. Kinikilala rin natin ang kakayahan ng ating mga nasa lokal na industriya para maitanghal ang mga gawang tatak Pilipino, hindi lang sa ating bansa kundi sa buong mundo, kaya mahalagang patuloy silang matulungan ng mga programa ng gobyerno.
Lubos din akong nagpapasalamat sa RP-Mission and Development Foundation Inc. sa pagkilala sa akin bilang isa sa mga Outstanding Public Servant Awardees ng 2023. Ito ay nagbibigay inspirasyon at lakas sa akin upang lalo pang pagbutihin ang aking serbisyo para sa kapakanan ng bawat Pilipino. With or without an award, patuloy akong magseserbisyo sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko na ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments