ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | July 27, 2022
Sa State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. noong Hulyo 25, 2022, inihayag niya ang estado o kalagayan ng ating bansa at inilatag ang mga solusyon sa mga isyung ating kinahaharap.
Masaya tayo dahil marami siyang nabanggit na karamihan ay bahagi rin ng mga prayoridad na panukalang batas na isinumite natin sa 19th Congress, partikular ang pagpapalakas sa healthcare system, tulad ng pagtatayo ng Center for Disease Control and Prevention, ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines. Tulad ng isinulong nating Super Health Centers, suportado rin natin ang hangarin ni Pangulong Marcos na magtatag ng mga specialty hospitals sa iba pang bahagi ng bansa.
Ito ang dahilan kung bakit mayroon tayong Malasakit Centers — para gobyerno na ang lumapit sa mga tao. Sa pagkakaroon ng mga dagdag-specialty hospitals maging sa labas ng Metro Manila, hindi na mahihirapan ang mga Pilipino, saanman silang sulok ng bansa. Kung tutuusin, pera nila ito. Ibinabalik lang natin sa kanila sa pamamagitan ng mas madaling malalapitan at maayos na serbisyo at huwag natin silang pahirapan sa pagkuha ng tulong.
Sa kasalukuyang sitwasyon ay suportado natin ang panawagan na huwag mag-lockdown. Basta siguraduhin lang na kaya ito ng healthcare system, dahil una at pinakaimportante sa lahat ang buhay ng bawat Pilipino.
Tama na maingat na balansehin ang kalusugan at ekonomiya. Subalit, hindi ito magagawa ng pamahalaan lang. Kaakibat sa polisiyang ito ang disiplina at kooperasyon ng mamamayan upang maimplementa nang maayos ang mga health protocols at mas marami pa ang mabakunahan, lalo na ng booster shots.
Tandaan, ang bakuna lamang ang tanging solusyon para malampasan ang pandemya at makabalik tayo sa normal nating pamumuhay lalo na ngayong tumataas na naman ang COVID-19 cases.
Sang-ayon din tayo sa pagbabalik ng face-to-face classes, pero importante na pangalagaan natin ang buhay at kaligtasan ng bawat kabataan.
Nagpapasalamat din tayo kay Pangulong Marcos dahil ipagpapatuloy at palalawakin niya ang Build, Build, Build program na pamana ng administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte. Ang mga proyektong ito ay nakalikha ng maraming trabaho at nagpagaan sa buhay ng mga Pilipino, partikular sa transportasyon at pakikinabangan maging ng mga susunod pang henerasyon. ‘Ika nga niya, “Build Better More”!
Umaasa tayong mas maraming imprastruktura ang maitatayo, lalo na sa mga rural areas. Kung naririyan sa malalayong lugar ang imprastraktura, magkakaroon ng pagkakataon ang mga kababayan nating naninirahan doon, lalo na ang mahihirap ng mas mabilis na access sa mga serbisyo ng pamahalaan, magkakaroon ng mga negosyo, makalilikha ng mga trabaho at aangat ang kabuhayan, lalo na ang agrikultura na prayoridad ng ating Pangulo.
Natutuwa tayo sa pangako niyang pagbibigay ng atensyon sa OFWs at binigyang-pugay niya ang pagkakalikha sa Department of Migrant Workers sa ilalim ng Administrasyong Duterte. Nabuo ang DMW sa pamamagitan ng Republic Act 11641 na inakda natin at ng ating mga kasamahan sa Senado at kinalauna’y nilagdaan para maging ganap na batas ni dating pangulong Duterte. Ngayon ay may departamento nang nakatutok sa OFWs at kapag may problema’y hindi na sila magpapaikut-ikot pa sa iba’t ibang ahensya.
Bagaman at hindi nabanggit ang tungkol sa peace and order, mahalaga na maipagpatuloy ang laban sa kriminalidad. Sa ilalim ng Administrasyong Duterte ay naramdaman ng mga Pilipino na ligtas sila kahit umuwi ng gabi. Kung patuloy ang pagbaka sa kriminalidad, nasusugpo rin natin ang paglaganap ng ilegal na droga at ang korapsyon.
Sang-ayon din tayo na walang bahagi ng ating bansa—maliit man o malaki—na maaangkin ng mga dayuhan.
Bilang miyembro ng mayorya sa Senado, handa tayong makipagtulungan para maisakatuparan ang pangarap ng mamamayan.
Maaasahan din ng administrasyong Marcos ang ating suporta, lalo na sa paglikha ng mga batas na nakasentro sa pagseserbisyo sa ating mga kababayan tulad ng pagtiyak na may murang pagkain sa bawat mesa, paglikha ng mga trabaho, edukasyon, imprastruktura, pangangalaga sa OFWs, kahandaan sa mga sakuna at kalamidad at marami pang iba.
Ang pinakaimportante ay gawing mas komportable ang buhay ng mga Pilipino lalung-lalo na ang mahihirap na isang kahig isang tuka at walang inaasahan kundi ang pamahalaan, walang magugutom at walang maiiwan sa ating hangaring makabalik na sa normal na pamumuhay.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments