ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Oct. 9, 2024
Napatunayan natin sa 2024 Paris Olympics na kaya nating ibalik ang pagiging sports powerhouse ng Pilipinas sa Asya. Ang paghakot ng ating mga atleta ng medalya sa Olympics ay patunay rin na kapag buo at sanib-puwersa ang suporta ng gobyerno at ng private sector, malayo ang mararating ng ating mga manlalaro.
Kaya naman sa ginanap na pagdinig sa Senado na ating pinamunuan para sa panukalang 2025 budget ng Philippine Sports Commission at ng Games and Amusements Board, muli nating isinulong na madagdagan ang pondo ng pambansang sports sector.
Taun-taon na lamang, mas maliit pa sa isang porsyento ng National Expenditure Program o proposed budget ang inilalaan sa sektor ng palakasan. Bilang chairperson ng Senate Sports Committee at vice chair ng Senate Finance Committee na nag-i-sponsor ng taunang budget ng PSC at GAB, palagi nating ipinaglalaban na taasan ito.
Sa ating mga magigiting na pambato ng bansa sa larangan ng sports, umasa kayo na sa abot ng aking makakaya ay ipaglalaban ng inyong Senator Kuya Bong Go ang sapat na suportang nararapat para sa inyo.
Naniniwala ako na ang suporta sa ating mga atleta ay magsusulong din ng interes ng mga kabataan natin para maghangad ng malusog at magandang pangangatawan. Bilang chairperson din ng Senate Committee on Youth, sports ang ginagamit nating sandata para ilayo ang ating mga kabataan sa ilegal na droga. Lagi ko ngang sinasabi, “Get into sports, stay away from illegal drugs to keep us healthy and fit!”
Kaugnay nito, matagumpay nating naisulong ang pagkakatatag ng National Academy of Sports na sa kasalukuyan ay may mga scholars na sa ating state-of-the-art facilities sa New Clark City, Capas, Tarlac. Bukod dito, umaasa tayong tuluyan nang maisasabatas ang Philippine National Games program na ating iniakda at pangunahing inisponsor. Magtulungan tayo na iangat ang antas ng ating sports programs maging sa grassroots-level kung saan maaaring madiskubre ang ating mga susunod na bagong bayani sa larangan ng palakasan.
Sa simula ng linggong ito, personal kong dinaluhan ang Senate Flag Raising Ceremony kasama ang mga Senate officials at employees. Binati ko rin ang aking mga kasamahan sa Senate Sentinels basketball team na naging kampeon sa UNTV Executive Face Off 2024.
Matapos ito ay naging guest of honor and speaker tayo sa ginanap na Newborn Screening (NBS) 22nd National Convention noong October 7 na idinaos sa Manila Hotel sa imbitasyon ni convention chair Dr. Ebner Maceda. Nagbigay tayo ng suporta at tokens sa mga opisyal, medical frontliners, midwives at iba pang nandoon. Bilang chairperson ng Senate Health Committee, isinulong din natin na palawakin ang coverage ng PhilHealth pagdating sa mga madidiskubreng sakit ng mga bagong
panganak.
Pinangunahan din ng aking tanggapan ang pamamahagi ng tulong para sa 127 residente ng Santa Rosa, Laguna na nawalan ng tahanan bukod pa sa tulong pinansyal na kanilang natanggap mula sa NHA sa ilalim ng programang ating isinulong para may pambili sila ng materyales sa pagpapaayos ng kanilang tirahan.
Masaya ko namang ibinabalita na kahapon, October 8, ay nagkaroon na ng ceremonial signing ang Self-Reliant Defense Posture Revitalization Act sa Malakanyang. Isa tayo sa co-author nito.
Kahapon din ay dumalo tayo sa pagdinig ng Senado sa panukalang budget ng Department of Health at PhilHealth. Dito natin idiniin sa mga opisyal ang importansya ng isang salita kung saan ang mga ipinangako nila sa taumbayan na palawakin ang serbisyong medikal lalo na sa mga mahihirap ay dapat maisakatuparan. Magmalasakit dapat ang gobyerno sa maysakit at gamitin ang pondo nang tama para maproteksyunan ang kalusugan at buhay ng bawat Pilipino.
Tuluy-tuloy din ang aking Malasakit Team sa paghahatid ng tulong sa mga kababayan nating nangangailangan. Natulungan natin ang 27 residente ng Calamba City, Laguna na nawalan ng tirahan, na nakatanggap din ng tulong pinansyal mula sa NHA.
Nabigyan natin ng tulong, bukod sa pansamantalang trabaho na ating isinulong, ang mga nawalan ng hanapbuhay kabilang ang 111 sa Madrid, Surigao del Sur katuwang si Mayor Paolo Lopez; at 64 sa Calbayog City, Samar kaagapay si BM Ancecio Guades.
Napagkalooban din ng tulong ang 43 maliliit na negosyante ng Maynila kasama si VM Yul Servo, na sa ating inisyatiba ay nabbigyan din ng tulong pangkabuhayan ng gobyerno.
Sinuportahan natin ang pagdaraos ng sportsfest sa Sulu State College at maging sa Cavite State University.
Nagbigay din tayo ng dagdag na tulong para sa 450 benepisyaryo sa isinagawang Cebu Doctors University Alumni Association Medical Health Mission sa Mandaue City, Cebu.
Dinaluhan naman ng aking opisina ang inagurasyon ng Advanced Comprehensive Cancer Care Center sa East Avenue Medical Center sa Quezon City.
Minsan lang tayong dadaan sa mundong ito. Kaya anumang tulong ang puwede nating ibigay sa kapwa, o anumang karangalan ang maaari nating ialay sa bansa ay gawin na natin ngayon. Bilang inyong Senator Kuya Bong Go, patuloy akong magseserbisyo sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments