ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | October 20, 2022
Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa mga stakeholders na dumalo sa Philippine Tourism Industry Convergence Reception sa SMX Convention Center sa Pasay City na tututukan niya at susuportahan ang muling pagbangon ng turismo sa bansa.
Binigyang-diin niya ang halaga ng pag-ayos sa access sa mga tourism areas ng bansa sa paghikayat sa mga turista na dalawin ang Pilipinas, ngunit inaming hindi sapat ang budget para sa tourism infrastructure.
Ayon sa pangulo, kasama sa mga dapat pagtuunan ng pansin ay ang accessibility ng mga tourism area at ang pagkakaroon ng direktang access sa maliliit na airport ng bansa.
☻☻☻
Suportado natin ang layuning ito.
Sa katunayan, paulit-ulit nating ipinapanawagan na ayusin hindi lamang ang mga daan papunta sa mga tourist site, kundi pati na rin ang mga pasilidad mismo sa mga lugar upang mapabuti ang kapasidad ng mga ito na tumanggap ng turista.
Kabilang na ang pagkakaroon ng maayos na banyo, PWD-friendly facilities at pagsiguro ng kaligtasan at kaayusan upang hindi mabiktima ng krimen ang mga turista, maging lokal man o international.
☻☻☻
Malaki ang incentive natin sa muling pagrekober ng turismo dahil ang sektor na ito ay massive job generator.
Bukod pa rito, direktang natatamasa ng mga nasa grassroots ang benepisyo ng turismo mula sa komersyo, sa porma ng mga serbisyo at paninda na inaalok sa mga turista.
Marami pa ang kailangang gawin upang maibalik sa pre-pandemic level ang kontribusyon ng turismo sa bansa. Kung matatandaan, nasa 12.7 percent ang share ng turismo sa gross domestic product noong 2019 dahil sa pagdating ng 8.2 million na turista.
Ngayong taon, umabot na sa 1,767,791 foreign tourist arrivals sa bansa, ayon sa Department of Tourism, lagpas ng kaunti sa 1.7 million tourist arrivals na target para sa 2022.
Ngunit hindi pa tayo dapat makontento. Ang target natin, dapat maging tulad ng Thailand at Malaysia, na nagtala ng 40 milyon at 25 milyong tourist arrivals noong 2019.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments