top of page
Search
BULGAR

Suportahan ang kabataan sa larangan ng palakasan

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Nov. 16, 2024



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Bilang isang sports enthusiast, atleta, at chairman ng Senate Committees on Sports at on Youth, buung-buo ang suporta ng inyong Senator Kuya Bong Go sa sports development ng ating bansa, at siyempre sa mga atletang kabataan lalo na sa grassroots level.


Unti-unti na nating nararamdaman ang bunga ng ating mga sports advocacy lalo pa’t nasungkit natin ang ating kauna-unahang Olympic double gold medals sa pamamagitan ni gymnast Carlos Yulo na kampeon sa 2024 Paris Olympics. Noon namang 2020 Tokyo Olympics ay nakuha natin ang first-ever gold medal dahil kay Hidilyn Diaz.


Bukod sa angking galing na ipinamalas ng ating mga atleta, bunga rin ang mga ito ng pakikipagtulungan ng iba’t ibang sektor upang isulong ang sapat na suporta sa ating mga pambansang pambato.


Kaya naman sa ginanap na deliberasyon para sa 2025 budget ng Philippine Sports Commission at ng Games and Amusements Board noong November 12, muli nating ipinaglaban na madagdagan ang kanilang pondo. Bilang main sponsor ng sports budget, binigyang-diin natin na mahalaga ang papel ng dalawang ahensyang ito sa pag-unlad ng ating sports, pagsuporta sa ating mga atleta, sa regulasyon ng mga palaro at sa pagpapalawak ng grassroots sports development.


Para sa 2025, ang panukalang budget ng PSC ay nasa PHP1.34 billion. Ipinaliwanag natin na ang malaking bahagi nito ay gagamitin sa rehabilitasyon at upgrading ng sports facilities, pagsuporta sa ating national athletes at kanilang coaching staff, at sa pagdaraos ng mga palaro sa iba’t ibang sulok ng bansa gaya ng Philippine National Games na ating isinusulong na ma-institutionalize bilang principal sponsor at author ng panukalang kamakailan ay naipasa na sa Senado.


Ngayong 2024 ay isinulong natin ang pagpapaayos sa Rizal Memorial Sports Complex at ng PhilSports Arena. Ito ay bilang tugon sa panawagan ng ating mga Olympians na ang suporta sa kanila ng gobyerno ay hindi lang dapat sa aspetong pinansyal. Importante rin ang kanilang mga equipment, pasilidad, pagkain, moral at mental support sa pangkalahatan.


Tiniyak naman natin na ang PSC ay magkakaroon ng sapat na pondo para sa pagtuklas at pagsasanay ng mga kabataang atletang may potensyal na sumabak sa international competitions at makapag-uwi rin ng karangalan para sa ating bansa.


Sa talakayan para sa pondo ng GAB, napag-usapan ang isyu ng game-fixing partikular sa basketball na malaki ang epekto sa integridad ng laro. Umapela tayo sa GAB na imbestigahan ang mga ito upang matigil na ang mga ganitong ilegal na aktibidad na nakasisira sa imahe ng Philippine sports.


Napakaimportante para sa akin na mapalakas ang kakayahan ng ating mga atleta at matulungan silang maipakita sa buong mundo ang husay ng manlalarong Pilipino. Bukod sa natututo sila ng disiplina at pag-aalaga ng katawan, mahalagang sandata rin ang sports para mailayo ang ating mga kabataan sa masasamang bisyo. Gaya ng madalas kong ipayo sa kanila, “Get into sports, stay away from drugs to keep us healthy and fit.”


Hindi rin tayo tumitigil sa paglalapit ng serbisyo sa ating mga kababayan. Nasa Tarlac tayo noong November 14 at pinangunahan ang pagbibigay ng tulong sa 1,667 mahihirap na residente, na sa ating pakikipagtuwang kay Gov. Susan Yap ay nabigyan din ng tulong pinansyal. Matapos ito ay binisita natin ang Malasakit Center na nasa Tarlac Provincial Hospital. Nagpalugaw rin tayo sa mga pasyente at staff ng ospital at nagbigay ng dagdag na suporta.


Sa naturang araw din, dumalo ang aking tanggapan sa ginaganap na sportsfest sa Mindanao State University-General Santos City. Ang pagdaraos ng palaro ay ating isinulong kasama ang PSC.


Ang mga kababayan naman natin sa Pampanga ang ating binisita kahapon, November 15, at pinangunahan ang pamamahagi ng tulong para sa 1,600 residente ng Angeles City. Sa ating inisyatiba at sa pakikipagtuwang kay Mayor Carmelo Lazatin, nabigyan din sila ng financial support.


Dumiretso rin tayo sa Rafael Lazatin Memorial Medical Center upang mamahagi ng meryenda sa mga pasyente, kanilang kasama at mga healthcare worker.

Ipinadala ko naman ang aking Malasakit Team sa iba’t ibang komunidad para maalalayan ang ating mga kababayan tulad ng mga biktima ng sunog kabilang ang 42 sa Parañaque City; 134 sa Pasay City; 28 sa Cagayan de Oro City; 14 sa Ormoc City, Leyte; at 91 sa Tondo, Manila City.


Napagkalooban ng tulong ang mga mahihirap na residente at naging benepisyaryo ang 156 sa Padre Garcia, Batangas katuwang si BM Melvin Vidal; at 300 sa Carcar City, Cebu kaagapay si Kap. Schubert Veloso. Sa ating inisyatiba ay nakatanggap din sila ng tulong pinansyal mula sa gobyerno.


Sa ating pakikipagkapit-bisig sa DOLE at katuwang si Coun. Marlene Young, nabigyan ang 59 displaced workers sa Iligan City ng pansamantalang trabaho bukod pa ang naipagkaloob ng aking opisina.


Bukod sa scholarship grant na ating isinulong katuwang ang CHED, nag-abot tayo ng dagdag na suporta sa mga estudyanteng scholars kabilang ang 212 sa Malolos City, Bulacan; at 95 sa Calamba City, Laguna.


Binalikan natin at muling tinulungan ang 17 nawalan ng tirahan sa Gingoog City na nakatanggap din ng emergency housing assistance mula sa NHA na ating isinulong para may pambili sila ng materyales sa pagpapaayos ng kanilang nasirang tahanan.


Minsan lang tayong dadaan sa mundong ito. Anumang tulong ang puwede nating ibigay sa kapwa o anumang karangalan ang maaari nating maialay sa bansa ay gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito. Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong susuporta sa ating mga atleta, at magseserbisyo sa lahat sa abot ng aking makakaya. Bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page