ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | September 17, 2022
Nitong mga huling taon hanggang nitong mga huling araw, pumapalo ang Pilipinas sa mga pandaigdigang palakasan. Kung dati-rati, madalas ay sama ng loob, kabiguan at pagkatalo ang inaabot natin sa mga kompetisyon, ngayon ay unti-unti tayong gumagawa ng pangalan sa international tournaments.
Sa katunayan, nitong September 10 lamang ay gumawa ng kasaysayan ang ating tennis prodigy na si Alex Eala, matapos niyang paluhurin ang World No. 3 na si Lucie Havlickova ng Czech Republic sa kanilang paghaharap sa finals ng US Open Juniors tournament. Sa ipinakita niyang kagila-gilalas na galing, umasa tayo na panibagong lakas ang ipakikita ni Alex sa pagsabak niya sa professional circuit.
Nauna riyan, umalingawngaw din ang pangalan ng Filipino-Japanese golfer na si Yuka Saso matapos pagwagihan ang prestihiyosong US Women's Open in golf noong Hunyo 2021. Hulyo ng naturan ding taon, kasaysayan din ang iniukit ni Hidilyn Diaz nang magkampeon ito at makasungkit ng gintong medalya sa Tokyo Olympics.
Karangalan din ang hatid sa atin ng Philippine women team sa football—ang Filipinas—ang kauna-unahang Philippine team na pumasok sa World Cup. Ang Filipinas din ang nagbigay sa bansa ng kauna-unahan nitong kampeonato sa ASEAN Football Federation Women's Championship. At huwag din nating kalilimutan na sa susunod na taon, ang Pilipinas ang magsisilbing host ng FIBA Men's Basketball World Cup. Darayo sa bansa ang mga pinakamagagaling na cagers mula sa ibayong dagat na isang malaking oportunidad para sa Pilipinas.
Kahanga-hanga ang pagtatagumpay na ito ng ating mga atleta na nagpapatunay lamang ng kanilang dedikasyon at pagpapahalaga sa kanilang laban. Napagdaanan nila ang kung anu-anong hirap sa pagsasanay at pagasakripisyo, matiyak lamang na mabibigyan nila tayo ng karangalan. Pero sa kabila ng mga tagumpay na ito, sigurado bang naibibigay sa kanila ng gobyerno at ng pribadong sektor ang kaukulang suporta? Talaga bang naipakikita natin sa kanila ang pagkilala?
Noong tayo pa ang chairman ng Committee on Sports sa Senado, palagi nating sinisiguro na nadaragdagan ang taunang pondo ng Philippine Sports Commission (PSC). Sa totoo lang, talagang suportado natin sa Senado ang PSC para matiyak din na nasusustinahan ang kanilang mga programa at proyekto. Maging ang mga pumalit sa atin bilang chairman ng PSC, sina Majority Leader Joel Villanueva at ngayon, si Senador Bong Go, tuluy-tuloy pa rin ang pagbibigay suporta sa komisyon, partikular sa mga atleta.
At sana, maliban sa paniniguro na may maayos na pondo ang PSC, matiyak din na may mga kaukulang polisiya at programa na magbabantay kung nagagamit sa tama ang pondo at nagagamit para sa kapakanan ng ating mga manlalaro.
Sa ngayon, sa palagay ng inyong lingkod, mahalagang repasuhin natin ang ating mga ipinatutupad na polisiya upang mabatid kung saan tayo nangangailangan ng pagbabago at pagpapalakas para sa ating mga coach at players. Posible kasing sa kasalukuyan, wala tayong mga polisiya na mangangalaga sa kapakanan ng mga atletang Pinoy. Dapat, ito ang tutukan ng mga kinauukulan dahil ang tagumpay ng isang sektor ay magiging tagumpay din ng samabayanan.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com
Comments