top of page
Search

Suportado ng bansa ang paninindigan ng Pangulo laban sa China

BULGAR

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 17, 2021


Natuldukan na marahil ang anumang agam-agam o pagdududa sa paninindigan ng ating pamahalaan tungkol sa mga isyu ng West Philippine Sea matapos ang naging pahayag ng Pangulo patukoy sa China na posibleng sa sitwasyong ito na umano magwakas ang ating pakikipagkaibigan sa kanila.


Tama ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil atin talaga ang West Philippine Sea kahit pabali-balikatarin at may hawak tayong mga katunayan na teritoryo natin ang unti-unti na nilang sinasakop.


Binanggit mismo ito ng Pangulo sa kanyang regular na ‘Talk to the People’ na isinahimpapawid noong Biyernes kung saan tinatalakay ang isyu hinggil sa pinag-aagawang teritoryo sa naturang bahagi ng karagatan.


Binigyang-diin ng Pangulo na hindi niya aatrasan ang China kahit buhay pa niya ang maging kapalit sa kabila ng napakalaki umano nating utang na loob sa China dahil sa mga donasyon nilang bakuna sa ating bansa.


“Hindi talaga ako aatras, patayin mo man ako kung patayin mo ako, dito ako. Dito magtatapos ang ating pagkakaibigan. I am not ready to withdraw, I do not want a quarrel, I do not want trouble. I respect your position and you respect mine, but we will not go to war”, ito ang mismong binitawang salita ng Pangulo.


Ipinaliwanag pa ng Pangulo na hindi umano masamang aminin na higit na mahina ang ating puwersa kumpara sa malakas na armas ng China at hindi natin ito kayang tapatan kaya hindi dapat humantong sa digmaan ang lahat.


“It’s not wrong to admit na inferior ka in terms of might and power, hindi naman masamang magprangka ito lang talaga ang kakayahan ko, so huwag mo naman akong giyerahin”, ito ang mga katagang binitawan mismo ng Pangulo.


Ngunit sa kabila nito ay malaki ang pag-asa ng Pangulo na maiintindihan siya ng China dahil kung hindi ay tiniyak ng Pangulo na magkakaroon talaga ng problema ang China laban sa atin.

Nag-ugat ang lahat ng ito nang ipinarating ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kay Pangulong Rodrigo Duterte na muling namataan na naman ang mga Chinese vessel na umiikot sa Kalayaan Island at Mischief Reef.


Ito ay ayon mismo sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) nang magsagawa umano sila ng maritime patrol sa naturang lugar noong nakaraang Mayo 9, at nasa 287 na namang Chinese vessels ang walang pasintabing nakabalandra sa ating teritoryo.


Dahil sa pag-ikot ng ating mga PCG ay hindi maiiwasan ang iringan sa pagitan ng mga naglalakihang barko ng China ngunit ang hindi magandang tingnan ay nangyayari ang lahat ng ito sa ating teritoryo at tila tayo pa ang nagdadalawang isip laban sa kanila.


Sa puntong ito ay lumitaw na ang tunay na paninidigan ng ating Pangulo na kahit anong mangyari ay walang sinuman ang makakapagpaalis ng dalawang barko ng Pilipinas na nagpapatrolya sa West Philippine Sea.


Dito na pumapasok ang prinsipyo ng pagkakaibigan at tayo bilang Pilipino ay napakapasensiyosong kaibigan at handang magpaubaya o magparaya hangga’t kaya natin pero lahat ng bagay ay may hangganan kung meron nang naagrabyado.


Kung totoong kaibigan ang turing sa atin ng China, dapat pakitaan nila tayo ng respeto tulad nang ipinapakita natin sa kanila at ang ginagawa nilang walang pasintabing pagsakop sa ating teritoryo ay isang maliwanag na kawalan ng respeto.


Sa tunay na magkaibigan ay hindi masamang paalalahanan ang isang namamali ng landas dahil pagpapakita ito ng malasakit at pagmamahal para hindi na humantong pa sa hindi magandang sitwasyon kung anuman ang hindi tamang tinatahak ng kanilang relasyon.


Pero kung ang pagbibigay paalala sa isang kaibigan ay tila minamasama pa at hindi na alintana kung anuman ang kanilang pinagsamahan at paulit na ulit pang ginagawa ang alam namang makakasira sa pagkakaibigan ay tila hindi nga tayo nagkakaintidihan kung ano ang tunay na kahulugan ng salitang kaibigan.


Ang hindi lang talaga natin maintidihan sa China ay kung bakit sa dami ng naglalabasang artikulo sa buong mundo hinggil sa usaping ito at iba’t ibang bansa na rin ang nagbibigay ng komento ngunit tila balewala sa kanila.


Nitong Huwebes ay naghain na naman tayo ng panibagong diplomatic protest dahil sa patuloy na pagbalewala ng China sa ating hinaing at naniniwala tayo na masusundan at masusundan pa ang mga ihahain nating protesta laban sa China.


Nakakalito dahil sa kabila ng mga alingasngas na ito ay madalas namang makita ang Pangulo na nakikipagkamayan pa sa mga opisyal ng China na nakangiti at tinatanggap ang mga donasyong bakuna.


Ang tunay na magkaibigan ay nagtutulungan, nagbibigayan at naggagalangan, pero kung naglalamangan na at nagbabastusan pero nagtatago sa salitang kaibigan ay malaki itong kahibangan.


Alalahanin natin ang istilo ng ilang masasamang loob na sa simula ay nakangiting nagbibigay ng candy sa mga bata, ‘yun pala ay may planong hindi maganda kaya inuuto ang mga nais biktimahin.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Коментари


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page