top of page
Search
BULGAR

Suporta sa panukalang dagdag na sahod para sa mga manggagawa

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | May 17, 2023


Bilang miyembro ng Senate Committee on Labor, suportado ko ang inisyatiba ng Senado na magkaroon ng across-the-board increase ang daily wages ng mga manggagawa sa buong bansa. Isinumite ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang Senate Bill No. 2002, o ang Across-the-Board Wage Increase Act of 2023 at isa ako sa mga co-author nito. Kung maisasabatas, target nito na taasan ang arawang suweldo ng lahat ng nasa pribadong sektor ng P150.


Habang bumabangon ang ating ekonomiya mula sa pandemya at iba pang krisis, sikapin nating hindi maiwan ang mga kababayan nating mahirap. Hindi lamang ang mga negosyante ang dapat na magbenepisyo sa pagganda ng ating ekonomiya kundi maging ang ating pinakaordinaryong manggagawang Pilipino, lalo na ang daily wage earners.


Iparamdam natin sa kanila ang mas komportableng buhay at bigyan natin sila ng pag-asang makaahon mula sa kahirapan.


Noong Mayo 11, iniulat ng Philippine Statistics Authority na ang ating Gross Domestic Product ay lumago nang 6.4% sa unang quarter ng 2023. Ito ang pinakamabilis na paglago sa Southeast Asia. Gayunman, binigyang-diin ng International Monetary Fund na ang paglago ng ating ekonomiya ay dapat na manatili sa 6% ngayong taon, lalo pa’t nananatiling mataas ang inflation rate.


Ibig sabihin, nag-expand ang ating ekonomiya, pero mataas pa rin ang presyo ng mga bilihin. Dahil dito, dapat nating tutukan ang mga pinakamahihirap na manggagawa at daily wage earners na nahihirapan nang mag-budget na halos isang kahig, isang tuka na lang dahil sa pang-araw-araw na gastos.


Bagama’t kailangang balansehin ng gobyerno ang interes ng mga employers at mga manggagawa, nais kong ipaalala na ang mga kumpanya at negosyo ay nagbabayad ngayon ng mas mababang buwis dahil sa Republic Act No. 11534 o Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE) na inaprubahan noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.


Sa parte ko, lagi nating ipinaglalaban ang kapakanan ng mga manggagawang Pilipino para mapangalagaan ang kanilang mga karapatan at magkaroon ng mas magagandang benepisyo. Isinumite rin natin sa Senado ang panukalang SBN 2107, o ang Freelance Workers Protection Act na naglalayon na mabigyan ng proteksyon at insentibo ang mga freelance workers, kilalanin ang kanilang mga karapatan at matiyak na protektado sila at nababayaran nang tama para sa kanilang mga serbisyo.


Isinumite rin natin ang panukalang SBN 1705 na naglalayon na madagdagan ang service incentive leave ng mga empleyado sa pribadong sektor; at ang SBN 1707 na naglalayon naman na maproteksyunan ang ating mga social workers.


Dagdag pa rito, ang ating iniakdang panukala na SBN 1183, o ang Media and Entertainment Workers’ Welfare Bill para mapalawak ang proteksyon, seguridad at insentibo ng mga manggagawa sa media and entertainment industry sa pamamagitan ng karagdagang health insurance package, overtime and night differential pay, at iba pang mga benepisyo kung maisabatas.


Para sa proteksyon ng delivery service riders, nag-file rin ako ng SBN 1184 at SBN 1191 para naman magkaroon ng magna carta para sa ating mga seafarers, kung maisabatas.


Inihain din natin ang SBN 420, na naglalayon na mabigyan ng temporary employment ang eligible members ng low-income rural households na kayang mag-perform ng unskilled physical labor, kung maisabatas.


Tuluy-tuloy naman ang aking tanggapan sa paglilibot sa buong Pilipinas para maalalayan ang ating mga kababayan na nahaharap sa iba’t ibang krisis o sakuna.


Maagap tayong sumaklolo sa mga naging biktima ng magkakahiwalay na sunog tulad ng 20 residente ng Bgy. Pusok at isa pa sa Bgy. Mactan sa Lapu-Lapu City, Cebu. Nagkaloob din tayo ng tulong sa 1,912 residente ng Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur na apektado ng armed conflict sa kanilang lugar. Naabutan din ng tulong at napagaan ang dalahin ng mahihirap na residente tulad ng 1,050 sa District 1 and 2 sa siyudad ng Manila; 666 sa Limay, Bataan; 150 sa Bgy. Escopa, Project 4, Quezon City; 366 sa Kalawit, Zamboanga del Norte; at 108 pa sa Malolos City, Bulacan.


Samantala, sa pagtatapos ng 32nd Southeast Asian Games, bilang Chair ng Senate Committee on Sports, lubos ang ating paghanga at pasasalamat sa ating mga atletang buong giting na lumahok sa iba’t ibang kompetisyon. Gaya ng pagkapanalo ng Gilas Pilipinas na nakasungkit ng gintong medalya sa men’s basketball finals nitong Martes, Mayo 16. Talagang masarap sa pakiramdam na nakabawi tayo sa Indonesia, nakabawi pa tayo sa Cambodia.


Kaya naman nakaka-proud bilang Pilipino ang mga tagumpay na nakamit ng Gilas at ng iba pang Pilipinong atleta na sumabak sa SEA Games. Maipagmamalaki natin ang kanilang naging dedikasyon, disiplina at angking talento para maipakita sa buong mundo ang kanilang husay at ang pusong Pilipino na lumalaban hanggang dulo. Ang kanilang panalo ay panalo rin ng ating bansa at ng bawat Pilipino.


Ipagpatuloy lang natin ang ating pagmamalasakit sa kapwa upang makapagbigay ng tulong sa mga nangangailangan. Bigyan natin sila ng bagong pag-asa na sama-sama tayong makakaahon mula sa anumang suliranin bilang isang nagkakaisang sambayanan.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page