top of page
Search
BULGAR

Suporta sa industriya ng Pelikulang Pilipino

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 11, 2022


Sa aking manifestation sa Plenaryo noong isang araw ay nagpahayag tayo ng kaunting paglilinaw sa Senado hinggil sa ilang araw nang isyu tungkol sa kalagayan ng showbiz industry, lalo na ng magbigay ng pahayag ang ating kaibigan at kasama sa industriya at Senado na si Sen. Jinggoy Estrada.


Wala namang masamang intensyon si Sen. Jinggoy sa naging pahayag nito, samakatuwid—tulad ko, hangad lang niya na miangat at muling pasiglahin ang Pelikulang Pilipino dahil hindi lamang mga artista ang makikinabang kung sakali dahil maging ang mga manggagawa sa likod ng camera ay kabilang dito.


Marahil ay maiintindihan ako ng ating mga kababayan, kung saan tayo kumukuha ng hugot sa pangyayaring ito dahil mula sa akin, sina Senator Jinggoy Estrada, Senator Lito Lapid, Senator Robinhood Padilla at Senator Grace Poe ay nabibilang sa industriya ng pelikulang Pilipino at telebisyon.


Wala kaming lahat, kung wala ang industriya ng Pelikulang Pilipino at hindi ko lang ito minsan lang sinabi dahil buong giting kong ipinagmamalaki na wala ako ngayon sa kinalalagyan ko kung wala ang local entertainment industry.


Ito ang bumuhay sa akin at sa aking pamilya sa mahabang panahon, hanggang sa ngayon at hinding-hindi ko ito iiwan at kung may pagkakataon ay muli akong gagawa ng pelikula hindi man bilang artista—kahit bilang movie producer.


Kaya ramdam na ramdam ko ang pighating dinaranas ng buong showbiz industry, lalo na ‘yung panahon ng pandemya nang gawin ko ang Agimat Ng Agila sa GMA 7 na tila sabik na sabik magtrabaho ang lahat dahil sa haba ng panahon na walang trabaho.


Nabuhayan ang mga direktor, ang mga artista, stuntmen at lahat ng may kaugnayan sa paggawa ng teleseryeng ilang buwan ding sinubaybayan ng ating mga kababayan at tuwang-tuwa ang mga nagtrabaho sa naturang teleserye dahil nagkaroon pa ito ng Season 2.


Ito mismo ‘yung sinasabi ko, ipagpatuloy natin ang paggawa ng mga de-kalidad na pelikula o teleserye para magustuhan ng tao at talagang susubaybayan dahil ang kapalit nito ay ang pagkakataong makapagtrabaho ang maraming manggagawa sa showbiz industry.


Naaalala ko noon na hindi bababa sa apat na pelikula ang naglalaban-laban sa opening day kada-linggo at may mga pelikulang sabay-sabay na nagbabakbakan sa takilya na mapapanood sa mahigit sa 100 sinehan sa buong bansa.


Hindi sa pagyayabang pero naranasan natin na kapag nagbukas ang pelikula ni Fernando Poe, Jr., Rudy Fernandez, Phillip Salvador, Vilma Santos, Sharon Cuneta, Nora Aunor, at ng mga kapwa ko Senador na sina Lito Lapid, Robin Padilla, Jinggoy Estrada, at ang hamak na Bong Revilla ay umiiwas ang mga foreign films kaya kadalasan nahuhuli ang pagbukas nila sa Pilipinas.


Ang kailangan sa ngayon ay pagsisikap at sama-samang pagtutulung-tulong para muli nating maibalik sa dating sigla ang entertainment industry at naniniwala akong isang araw ay muli tayong babalik na kabi-kabila ang paggawa ng pelikula at maraming manggagawa showbiz ang magbabalik na sa trabaho.


Bukod sa kailangan ng konkretong plano para mapasigla ang showbiz industry ay kailangang linangin din ang mga local talents at pag-ibayuin ang pagdiskubre sa mga bagong talent dahil sa napakabilis ng pagbabago at ng mga bagong uso na karaniwan ay nagmumula na sa social media.


Isa sa aking priority bills ay ang SBN 28 o ang Revival of the Philippine Movie Industry Act at kamakailan lamang ay isinumite ko rin ang SBN 1409 o ang Philippine Film Commission na parehong naglalayong maiangat ang kapakanan ng mga manggagawa sa showbiz industry.


Inaasahan kong maisasabatas sa tamang panahon ang mga isinumite kong panukala lalo pa at nand'yan na si Sen. Robinhood Padilla na siyang Chairperson ng Committee on Public Information and Mass Media na nakahanda namang tumulong para rin sa kapakanan ng mga manggagawa sa entertainment industry.


Kung pag-uusapan man ang K-Pop at KDrama, maganda na tingnan natin kung paano nila naabot ang kanilang kinalalagyan sa kasalukuyan at dapat nating malaman kung paano at anong klase ng tulong ang naibigay sa kanila ng kanilang gobyerno.


Mabuting pag-aralan din kung bakit nahuhumaling sa obra ng banyaga ang marami sa ating mga kababayan, upang madagdagan pa natin ang ating pagsisikap na lalong paunlarin ang ating mga pelikula at teleserye na sa huli ay matiyak na kaya nating makipagsabayan sa banyaga.


Kung hindi nga naman sa ating mga Pilipino magsisimula ang pagbangon ay mahihirapan talaga ang showbiz industry na makabawi at malaki ang partisipasyon ng ating mga kababayan para muling manumbalik ang sigla nito.


Magtulungan tayo, sama-sama nating suportahan ang mga Pinoy talents at tinitiyak kong kaya rin natin o baka mas mahigitan pa natin ang kanilang ginagawa—pero kung magsisimula mismo sa atin ang pagpapabaya ay baka tuluyang lumungkot na ang ating entertainment industry.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page