top of page
Search
BULGAR

Suporta para sa kalikasan at sa likas na yaman ng bansa

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 20, 2021


Kailangan nating pag-ingatan ang kalikasan para sa ating pagkain, malinis na tubig, malinis na hangin na ating nilalanghap minu-minuto at hindi lang ito basta mahalaga sa sangkatauhan kung hindi kailangan ito para mabuhay.


Kaya nga isa ang inyong lingkod sa nangunguna para itaas ang kaalaman hinggil dito na isa rin sa dahilan kaya ginawa natin ang teleserye na Agimat ng Agila sa GMA 7 upang maipakita ang tunay nating saloobin kung paano dapat pangalagaan ang kalikasan.


Kaya medyo nakakainis ang inilabas na 2021 report ng Global Witness na ang Pilipinas umano ay nasa ikatlong puwesto sa talaaan ng buong mundo na may 29 na naitalang nasawi dahil sa pagdepensa sa kanilang tahanan, lupa at kabuhayan, at ecosystems.


Kasunod umano tayo ng Columbia na siyang may pinakamalalang sitwasyon na may naitalang 65 nasawi kasunod ang Mexico na may 30 nagbuwis ng buhay dahil din sa pagdepensa sa kanilang lupain at ari-arian noong nakaraang taon.


Ang Global Witness ay non-governmental organization na nakatutok sa mga kumpanya at pamahalaan ng iba’t ibang bansa na hindi tumutugon sa tamang pagkalinga sa mga likas na yaman at responsable sa pagwasak ng ating kalikasan, sinasadya man o hindi.


Ngunit hindi natin matutulan ang inilabas nilang ulat dahil kumpleto sila ng patotoo na umiiral sa kasalukuyan ang problemang ito, ngunit nakalulungkot lamang na tayo ay nasa ikatlong puwesto at tila wala pa tayong nararamdamang epektibong pagkilos sa panig ng ating pamahalaan upang ito ay maibsan.


Kaya natutuwa tayo sa mabilis na pagkilos nitong pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na agad naglabas ng pananagutan para bigyang-proteksiyon ang malawak at masalimuot na kalikasan sa buong Pilipinas.


Mismong si PNP chief, Gen. Guillermo Eleazar, ang naglabas ng pananagutan matapos ilabas ng Global Witness ang listahan na ang ating bansa ay isa sa pinakadelikadong lugar sa buong mundo kung pagdepensa sa kalikasan ang pag-uusapan.


Bilang mambabatas ay suportado natin ang pagkilos ni Gen. Eleazar dahil ramdam natin kung paano ipaglaban ang kalikasan dahil matagal tayong nanatili sa kabundukan at pinag-aralan natin ang sitwasyon doon nang gampanan natin ang papel ng forest ranger sa ginawang nating telesarye na Agimat Ng Agila.


Mabuting mapalakas ng PNP ang istriktong pagpapatupd ng mga umiiral na batas sa kalikasan na magbibigay-proteksiyon hindi lang sa likas na yaman ng ating bansa kung hindi sa mismong mga tao at grupong tumatayong frontliner upang pangalagaan ang kalikasan.


Kamakailan, dalawang forest ranger ang inatake ng masasamang-loob na nais magsamantala sa kagubatan sa lalawigan ng Rizal kung saan doon mismo nanatili ng ilang panahon at alam nating kulang na kulang ang kanilang puwersa para ipagtanggol ang kalikasan.


Sa katunayan ay agad na ipinadala ang Special Action Force (SAF) ng PNP sa Masungi Georeserve sa Rizal upang magsagawa ng responde at sa kasalukuyan ay naghihintay na lamang ang mga tauhan ng SAF para sa deputization order ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para maipagpatuloy ang nasimulan.


Maganda ang makakaliksang hakbang na ng PNP dahil sa mahabang panahon ay mabibilang sa daliri na nanghimasok ang pulisya sa mga usapin at engkuwentro sa mga kabundukan dahil may mga nakatalagang sundalo na responsable sa naturang mga problema.


Isang napakalaking hakbang sa panig ng PNP ang patuloy na koordinasyon sa DENR at sa Armed Forces of the Philippines (AFP), bilang bahagi ng pagpapakita ng suporta sa kalikasang yaman ng bansa at sa mga taong nagbibigay-proteksiyon dito.


Napakarami ng ilegal na aktibidades na nagaganap sa mga kabundukan na naglalagay sa delikadong sitwasyon ng ating mga forest ranger at dahil sa karagdagang suporta na nais ibigay ng PNP ay malaking tulong ito para mapagaan ang sitwasyon.


Ang patuloy na pakikipag-ugnayan ng PNP sa DENR at AFP upang makapagbigay ng lahat ng klase ng suporta at alalay ay makapagpapataas ng moral ng ating mga forest ranger para lalo pang pag-ibayuhin ang kanilang pagsisikap.


Marahil sa susunod na taon kung magiging matagumpay ang pamunuan ng PNP sa hakbanging ito ay hindi malayong mawala na tayo sa talaan ng mga bansang kinatatakutan dahil sa dami ng nasasawi sa pagtatanggol sa lupain at kalikasan.


Napakaraming dapat bantayan sa kagubatan, dahil may masasamang-loob na nais wasakin ang mismong kabundukan at tayuan ng kung anu-ano’ng puwedeng pagkakakitaan at madalas na nakalulusot dahil sa kakulangan ng operatiba.


May ilang grupo namang kinakalbo ang kagubatan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng illegal logging na mahigpit na ipinagbabawal at totoong nangyayari na may mga kababayan tayong nasasawi dahil sa pagtutol sa kagustuhan ng ilang mapagsamantala.


Maging ang mga ibong itunuturing ng endangered species at iba pang hayop na sadyang pinababayaan upang malayang makapamuhay sa mga kagubatan ay unti-unting nauubos dahil hinuhuli at ipinagbibili kahit mariin itong ipinagbabawal.


Malaking bagay ang suporta ng PNP sa DENR at AFP dahil maging ang mga magsasaka sa mga tagong kabundukan na imbes na palay ang itanim ay plantasyon ng marijuana ang sinasaka ay tiyak na kalaboso ang naghihintay sa kanila.


Anak Ng Teteng!



 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page