top of page
Search
BULGAR

Suporta at serbisyo para sa ating mga bagong bayani

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | August 23, 2023


Patuloy nating isinusulong ang mga programa at panukalang batas na mas lalong magpoprotekta sa ating overseas Filipino workers at sa kanilang pamilya.


Para sa akin, dapat nating bigyan ng importansya ang ating OFWs. Sila ang ating modern-day heroes. Mahirap mawalay sa pamilya para lang mabigyan ng maayos na kinabukasan ang mga anak. Bukod sa kanilang sakripisyo, malaki rin ang kontribusyon nila sa ating bayan lalo na sa patuloy na pagsigla ng ating ekonomiya.


Isa lamang pangarap noon pero tuluyang naisakatuparan sa ilalim ng nakaraang Duterte administration ang magkaroon ng departamento na tututok sa ating OFWs -- ang Department of Migrant Workers.


Isa tayo sa author at co-sponsor nito, at nilagdaan ni dating pangulong Rodrigo Duterte noong December 30, 2021 para maging ganap na batas. Dahil dito, kapag nagkakaproblema ang isang OFW o ang kanyang kapamilya, ay hindi na niya kailangan na magpalipat-lipat sa mga ahensya ng pamahalaan o magsumbong sa radyo, TV o sa social media para humingi ng tulong dahil mismong ang DMW na ang tututok at kumikilos para masolusyunan ang kanilang hinaing.


Isa naman sa ating laging binibigyan ng pansin bilang chair ng Senate Committee on Health, ay ang kalusugan ng bawat Pilipino. Kaya binigyang-diin muli natin na dapat magamit ang buong kapasidad at matiyak ang patuloy na operasyon ng mga pampublikong ospital tulad ng OFW Hospital sa San Fernando City, Pampanga.


Ang pasilidad na ito ay sadyang itinatag para mapangalagaan ang kalusugan ng ating OFWs at ng kanilang mga pamilya. Nagpapasalamat tayo sa pamahalaang panlalawigan ng Pampanga sa naging donasyon nitong OFW Hospital. Nagsimula ang operasyon nito noong May 2022. Mayroon itong anim na palapag at kayang maglaman ng 100 kama para magserbisyo sa mga OFW at sa kanilang eligible dependents na magkakasakit.


Nakapaglagay na rin tayo ng Malasakit Center dito para hindi na sila mahirapan sa paglapit sa mga ahensya ng pamahalaan para humingi ng tulong pangmedikal.


Kung matatandaan, mayroon tayong mahigit 10 milyong Pilipino na nasa labas ng ating bansa, kabilang na rito ang mga OFWs. Hindi pa kasama rito ang mga pamilya nilang nandito sa bansa na pwedeng makabenepisyo sa OFW hospital. Kaya dapat mapakinabangan ito at ma-maximize natin ang serbisyo na puwedeng makuha mula sa pasilidad na ito na itinuturing nating regalo sa ating mga bagong bayani.


Para masiguro ito, isinumite natin sa Senado ang Senate Bill No. 2297, na kung makapapasa at magiging ganap na batas ay naglalayon na ma-institutionalize ang OFW Hospital, mapondohan ang patuloy nitong operasyon, at masigurong may sapat na personnel at kagamitan para sa mga serbisyo rito. Inatasan din natin ang DMW, kasama ang DOH, na tutukan ang iba pang pangangailangan ng ospital, at agad na solusyunan.


Bukod sa pagpapalakas sa OFW Hospital, isinumite rin natin ang panukalang Senate Bill No. 2414, na kung makapapasa at magiging ganap na batas ay naglalayon na magtayo ng OFW wards sa mga ospital na pag-aari ng Department of Health. Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nag-atas sa DMW at DOH na pag-usapan ang implementasyon ng inisyatibang ito sa buong bansa.


Naisakatuparan ang pangarap natin na magkaroon ng sariling departamento para sa ating mga bagong bayani, ito ang Department of Migrant Workers. Ang isang pangarap lang noon ay naisakatuparan na ngayon. Ang pangarap natin na magkaroon ng isang OFW hospital, natupad din. Hindi na panaginip, ngayon, mayroon na rin tayong Malasakit Center sa inyong OFW Hospital. Patuloy nating sikapin na maisakatuparan ang iba pa nating pangarap para sa mga Pilipinong nangangailangan tulad ng OFWs para maramdaman nila ang serbisyo at malasakit na mula sa gobyerno.


Samantala, nakikiramay tayo sa pagpanaw ng kalihim ng DMW na si Ma’am Susan “Toots” Ople na itinuturing kong kaibigan at kakampi pagdating sa ating adhikain na ipaglaban ang kapakanan ng OFWs. Inalay niya ang lahat para sa adbokasiya niyang ito at sana ay maipagpatuloy natin ang kanyang laban bilang pagkikala sa kanyang kontribusyon sa sambayanan.


At dahil bisyo ko ang magserbisyo, bukod sa mga OFWs ay tuluy-tuloy ang ating paghahatid ng tulong sa iba pa nating kababayan na nahaharap sa iba’t ibang krisis.


Nasa Navotas City tayo noong August 22 at nagkaloob ng tulong sa 1,000 mahihirap na residente katuwang ang tanggapan ni Mayor John Rey Tiangco. Bukod dito, nagkaloob din tayo ng dagdag na tulong sa 1,328 na benepisyaryong nasunugan noon para sila ay tuluyang makabangon muli.


Bukod ito sa Emergency Housing Assistance Program (EHAP) na naipamahagi ng National Housing Authority sa kanila na pwedeng ipambili ng pako, yero at iba pang housing materials.


Ang EHAP ay isinulong natin noon at patuloy na sinusuportahan ngayon para mas marami pang matulungang mga kababayang biktima ng sakuna na makapagpatayo muli ng maayos na tirahan.


Dumalo rin tayo sa ginanap na FIBA Welcome Cocktails para sa National Federation Delegates sa Grand Sunset Pavilion Sofitel Plaza Manila sa imbitasyon ng Samahang Basketbol ng Pilipinas.


Bahagi ang okasyon ng idinaraos na 2023 FIBA World Cup sa ating bansa.


Binisita rin natin ang ating mga kababayan sa Zambales, kung saan ako ay adopted son ng probinsya, noong August 19 at nagkaloob ng tulong sa 2,000 mahihirap na residente ng Olongapo City. Naging guest speaker tayo sa commencement exercises ng Kolehiyo ng Subic Class Matalaghay 2023, at nagbigay ng inspirasyon at namahagi ng tokens sa mga nagtapos. Nakiisa rin tayo sa ika-39 na anibersaryo ng El Shaddai kasabay ng selebrasyon ng kaarawan ni Brother Mike Velarde na ginanap sa Quirino Grandstand, Luneta Park, Manila.


Hindi rin tumitigil ang aking opisina sa pag-iikot sa buong bansa para alalayan ang ating mga kababayang nangangailangan. Agad tayong sumaklolo sa 11 residente ng Brgy. Peñaplata, Island Garden City of Samal na naging biktima ng sunog kamakailan.


Sinuportahan din natin ang 500 residente ng Gonzaga, Cagayan na naapektuhan ng Typhoon Egay. Tumulong din tayo sa 1,000 miyembro ng iba’t ibang sektor sa Polomolok, South Cotabato kasabay ng pagdiwang ng kanilang 66th Founding Anniversary; at 35 pa mula sa iba't ibang bahagi ng North Cotabato. Nabigyan din ng tulong ang 31 mahihirap na residente ng Gen. Tinio, Nueva Ecija.


Bilang chair ng Senate Committee on Sports ay muli po akong humihiling sa ating mga kababayan na suportahan natin ang ating men’s national team na sasabak sa 2023 FIBA World Cup na gaganapin sa ating bansa. Personal po nating napanood ang tune-up games ng Gilas Pilipinas laban sa Montenegro at Mexico nitong August 20 at 21.


Ipagdasal po natin at suportahan ang mga laban ng Gilas Pilipinas. Ipakita rin natin sa ating mga bisita mula sa iba’t ibang bansa ang Filipino hospitality na isa sa ating mga katangian kaya tayo kinikilala sa buong mundo. Let’s go, Gilas Pilipinas! Go, go, go for gold!


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page