top of page
Search
BULGAR

Suporta at pagkilala sa ating para-athletes

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | October 25, 2023

Pagkatapos mag-uwi ng mga medalya at karangalan ng ating mga pambansang atleta na sumabak sa Asian Games kamakailan, kasalukuyan namang ginaganap ngayon sa Hangzhou, China ang 4th Asian Para Games.


Ang naturang sports competition ay nagsimula noong October 22 at matatapos sa October 28.


Bilang Chair ng Senate Committee on Sports, ineengganyo ko ang lahat ng ating mga kababayan na ipagbunyi ang bawat laban ng ating para-athletes.

Gaya rin ng iba nating atleta, suportado natin ang ating mga para-athletes, at sa katunayan ay nai-file natin sa Senado ang Senate Bill No. 2116, na hangaring mag-aamyenda sa Republic Act No. 10699, o ang National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act.

Kung pumasa at maging batas, ang SBN 2116 na ating inakda ay maghahatid ng mga dagdag-suporta at insentibo sa ating mga para-athletes. Layunin nito na madagdagan ang matatanggap mula sa gobyerno ng ating mga para-athlete medalists sa mga qualified international competitions bilang pagkilala sa dangal at karangalan na dinala nila sa bansa.

Pinaghirapan at pinagpawisan nila ang mga medalyang ‘yan. Hindi nila ginusto na ang iba sa kanila ay may kapansanan kaya hindi sila dapat maliitin dahil sa kabila nito, hindi naging hadlang ito na maipakita ang kanilang kagalingan sa larong pinagtagumpayan nila sa international stage. Sa halip, bigyan natin sila ng karampatang suporta at insentibo bilang pagkilala sa kanilang husay, katatagan at sakripisyo sa harap ng pagsubok na kanilang hinarap para itaas ang bandera ng ating bansa.

Bukod sa dagdag na insentibo para sa ating para-athletes, layunin din ng ating panukala na mabigyan sila ng pantay na oportunidad at pagkilala na ibinibigay sa bawat atletang Pilipino.


Walang dapat maiiwan sa ating mga atleta para mas mapalaganap natin ang inclusivity and diversity sa ating sports program. Ito ang pinakapuso ng ating isinumiteng panukala.

Lagi rin nating ipinaglalaban ang ating sports programs na nasa ilalim ng Philippine Sports Commission. Sa ginanap na budget deliberation noong isang taon, ang panukalang budget para sa PSC nitong 2023 ay nasa humigit-kumulang P200 milyon lang. Bilang inyong Vice Chair ng Senate Committee on Finance, isinulong natin na madagdagan ng P1 billion ang pondo ng PSC kaya nadagdagan ang suporta para sa ating mga atletang lumahok sa international competitions, pati na rin sa ating mga grassroots sports development programs. Kasama sa ating naipaglaban na pondo ang 30 million pesos para sa preparation, training and participation sa 2023 ASEAN Para Games.

Bukod dito, natupad na ang pangarap natin na maitatag ang National Academy of Sports, na nasa New Clark City sa Tarlac matapos lagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang RA 11470 noong June 2020, na tayo ang may akda at isa sa co-sponsor.


Ngayon ay puwede nang mag-training sa NAS ang ating mga kabataang may talento sa sports nang hindi nasasakripisyo ang kanilang pag-aaral dahil kasabay na pinagkakalooban sila ng dekalidad na edukasyon.

Isinumite rin natin ang SBN 423, o ang panukalang PNG Act, na kung makapasa at maging ganap na batas ay naglalayon para sa institutionalization ng Philippine National Games bilang oportunidad upang maipakita ng mga kabataang atleta ang kanilang husay at makatuklas tayo mula sa kanila ng mga magiging bahagi ng ating national pool para sa future competitions.

Isa rin sa layunin natin sa grassroots program ay para maengganyo ang ating mga kabataan to get into sports, and stay away from drugs, at mapanatili ang ating maayos na kalusugan. Bilang chairman ng Senate Committee on Health, nais kong bigyang diin na konektado ang sports at health dahil kapag fit ka, healthy ka. Pangalagaan natin ang kalusugan ng bawat isa. Ang katumbas ng maayos na kalusugan ay maginhawang buhay para sa bawat Pilipino.

Tuluy-tuloy naman ang ating mga gawain bilang lingkod bayan, tulad ng paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayang nahaharap sa iba’t ibang krisis.

Nasa Davao del Norte tayo kahapon, October 24, para tingnan ang naipatayong multi-purpose building o ang “Bahay ni Maria”, at para na rin sa blessing at turnover ng itinayong multi-purpose building na gagamitin bilang Emergency Operations Center at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Operation Center sa bayan ng Kapalong. Ang proyektong ito ay ating isinulong na mapondohan noon.

Matapos ito ay dumiretso tayo sa Babak, Island Garden City of Samal at dumalo sa ginanap na Provincial Health Information Management Orientation for Barangay Health Workers. Personal din nating pinangunahan ang pamamahagi ng tulong sa 200 BHWs. Nauna nang nakatanggap ang 250 pang BHWs noong October 23 ng kaparehas na tulong mula sa aking tanggapan.

Naghatid naman ang aking opisina ng tulong sa mga naging biktima ng insidente ng sunog at naalalayan ang anim na apektadong residente mula sa Bgy. Lagubang at Bgy. Limuhay sa bayan ng Senator Ninoy Aquino sa Sultan Kudarat.

Namahagi rin tayo ng tulong sa mga miyembro ng iba’t ibang sektor katulad ng 253 displaced workers sa Koronadal City katuwang ang tanggapan ni Cong. Peter Miguel; at 268 sa Talitay, Maguindanao del Norte, na katuwang si Mayor Sidik Amiril. Ang mga benepisyaryo ay kuwalipikado rin na makatanggap ng pansamantalang trabaho mula sa DOLE.

Natulungan din natin ang mga maliliit na negosyante gaya ng 48 benepisyaryo sa Vigan; at 20 sa Caoayan, Ilocos Sur; at ang 43 sa Bgy. 22-C at Bgy. 21-C sa Davao City na nabiktima ng sunog noon, bukod sa livelihood kits na ipinamahagi ng DTI mula sa programang ating isinulong noon.

Nagpadala rin tayo ng 25 food packs sa mga lumahok sa ginanap na Pastoral Appreciation Week sa Baguio City, katuwang si Councilor Vladimir Cayabas.

Kilalanin natin ang katatagan ng mga Pilipino sa harap ng anumang pagsubok tulad ng ating mga world-class para-athletes. Suportahan natin sila sa kanilang bawat laban at bigyang importansya ang kanilang husay at sakripisyo para sa bayan. Ang karangalang kanilang maiuuwi ay karangalan din na maipagmamalaki ng bawat Pilipino.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

コメント


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page