ni Ryan Sison - @Boses | August 04, 2021
Upang mas marami pang residente ng National Capital Region (NCR) ang mabakunahan, ikinukonsidera ng pamahalaan ang ideya na gawing 24/7 na bukas ang COVID-19 vaccination facilities sa rehiyon.
Para matiyak na hindi maaapektuhan ng enhanced community (ECQ) ang pagbabakuna sa NCR, sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año na maaaring palawigin ang operation hours ng mga vaccination sites.
At kung sakaling matuloy ito, magpapadala aniya sila ng karagdagang law enforcement officers upang matiyak ang kaayusan sa mga lugar.
Dahil sa banta ng mas nakahahawa at agresibong Delta variant, dapat lamang na sabayan ng patuloy na pagbabakuna sa mga residente ang ipatutupad na ECQ dahil isa ito sa mga hakbang upang maiwasan ang mabilis na hawaan.
Gayunman, sa kabila ng panawagang bilisan ang pagbabakuna dahil sa banta ng Delta variant, inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na kulang pa rin ang nakukuhang suplay ng bakuna para mabigyan ang lahat ng mga Pilipino.
Giit pa ng Pangulo, hindi nakalilimot ang gobyerno sa tungkulin nito na protektahan ang mga Pilipino at tiniyak na darating ang panahon na maaabutan ng bakuna ang bawat lugar sa bansa.
Habang patuloy ang paghahanap ng diskarte upang maprotektahan ang taumbayan, ang tanong natin, kakayanin ba ang ganitong operasyon?
May sapat na bilang ba ng nagbabakuna, may sapat na suplay at handang magpabakuna ang mamamayan? Matatandaang sa kabila ng pag-iral ng vaccination program ng pamahalaan, marami pa ring takot magpabakuna, partikular ang senior citizens.
Ilan lang ‘yan sa mga kailangan nating paghandaan sa oras na maipatupad ang 24/7 operasyon ng vaccination sites upang masiguradong walang oras at bakunang masasayang.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comentários