ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | January 15, 2022
Dear Doc Erwin,
Nabasa ko ang inyong nakaraang artikulo tungkol sa Longevity genes at Sirtuins na tumutulong sa ating katawan upang humaba ang buhay.
May mga paraan ba upang maging aktibo ang Longevity genes at Sirtuins nang sa gayun ay mapahaba ang buhay at maiwasan ang mga karamdamang karaniwan na nararanasan sa pagtanda? – Cecilia
Sagot
Maraming salamat Cecilia sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc. Ang iyong katanungan ay iuugnay sa kasalukuyan nating pinag-uusapan kung paano pinahahaba ng Longevity genes at anti-aging proteins o Sirtuins ang ating buhay.
Sa nakaraang artikulo ay nabanggit nating mayroong pitong Longevity genes ang tao at may kinalaman sila sa paggawa ng anti-aging proteins na Sirtuins na tumutulong sa mga cells ng ating katawan upang maka-survive laban sa mga ‘threats’ o ‘metabolic stress’, tulad ng sobrang lamig o init ng kapaligiran, kakulangan ng pagkain at imminent danger.
Dahil sa kakayahan ng mga ‘stressors’ na nabanggit na ma-activate ang Longevity genes at ma-produce ang mga anti-aging proteins na Sirtuins sila ay tinawag na mga ‘longevity activators’.
Ayon sa mga pag-aaral, ang ‘dietary o calorie restriction’ ay mabisang paraan upang humaba ang buhay. Isang halimbawa ay ang tinatawag na intermittent fasting, kung saan kumakain lamang isa o dalawang beses sa isang araw.
Sa mga ‘blue zone’ areas, tulad ng Okinawa sa Japan, Sardinia, Italy, sa Nicoya, Costa Rica, sa Ikaria, Greece at sa Loma Linda, California ay makikita ang mga ‘super centenarians’ – mga tao na mahahaba ang buhay. Isa sa mga itinuturing na dahilan ng mahaba nilang buhay ay ang calorie restriction o pagbawas sa calories o dami ng kinakain. Tandaan, hindi lamang ito ang dahilan ng kanilang mahabang buhay. Kasama sa nakitang mga kadahilanan ng kanilang mahabang buhay ang regular na paglalakad at pagkain ng “blue zone diet” o whole grains (rice o corn), gulay, sweet potatoes (kamote) at beans.
Bukod sa dietary or calorie restriction (tulad ng intermittent fasting), may dalawang paraan pa upang ma-activate natin ang Longevity genes at Sirtuins. Ito ay ang regular na pag-eehersisyo at exposure ng katawan sa matinding init o lamig. Ang regular walking o jogging exercise at occasional ‘hot bath’ o ‘cold bath’ ay nakaka-activate ng release ng Sirtuins.
Sa pag-aaral, nadiskubreng bukod sa mga nabanggit na mga longevity activators, may mga ‘molecules’ na maaaring mag-activate ng Sirtuins. Isa sa mga molecules ay ang Resveratrol, na nakita ng mga scientists sa ilang uri ng red wine at ang Nicotinamide Mononucleotide (NMN).
Ang NMN ay kino-convert ng katawan sa Nicotinamide Adenine Dinucleotide (NAD) na kinakailangan ng Sirtuins at mahigit na 500 enzymes sa ating katawan. Habang tayo ay tumatanda ay nababawasan ang level ng NAD sa ating katawan, dahilan upang humina ang activity ng mga Sirtuins. Ayon sa mga scientists, ito ang dahilan ng ating pagtanda at pagkakaroon ng mga age-related disease katulad ng cancer, diabetes at metabolic at neurodegenerative diseases.
Kaya iminungkahi ang pag-inom ng Resveratrol at NMN upang maging aktibo at panatilihing aktibo ang mga anti-aging proteins na Sirtuins at maiwasan o i-delay ang pagkakaroon ng iba’t ibang sakit na nabanggit. Tinagurian ng marami ang Resveratrol at NMN na ‘supervitamins’ dahil sa mahalagang function nito sa katawan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
תגובות