'Superman' Gomez naghari sa World Nineball U.S.
- BULGAR
- 3 hours ago
- 1 min read
ni Eddie M. Paez, Jr. @Sports News | Apr. 21, 2025
Photo: Circulated
Matikas na pagtumbok ang ginamit na susi ng batikang si Roberto Gomez ng Pilipinas upang mapasakamay ang trono ng World Nineball Tour: Beasley 9-Ball Open sa palaruan ng Brass Tap & Billiards sa Raleigh, North Carolina kamakailan.
Sa isang impresibong pagtumbok sa nakalipas na mga araw, bukod sa titulo sa 9-ball, sumegunda rin sa Beasley One Pocket na event sa nabanggit na bahagi ng Estados Unidos ang bilyaristang kilala rin sa bansag na Pinoy Superman.
Sa mga miron ng bilyar, nasasaksihan nila ang malupit na momentum ni Gomez sa kasalukuyan.
Matatandaang ang cue artist din mula sa Zamboanga ang naghari sa 34th Annual Andy Mercer Memorial 9-Ball Classic noong Marso sa palaruan ng Rum Runner Lounge (Las Vegas, Nevada).
Naka-podium na rin ngayong taon si Gomez sa Derby City Classic Bigfoot Challenge, Bank Pool Showdown at U.S. Open One Pocket.
Sa North Carolina pa rin, tinalo ng 47-anyos na Pinoy sa pangkampeonatong duwelo nila sa Beasley Open 9-Ball finals si Lukas Fracasso-Verner (USA, 13-6), matapos paglaruan ang Kastilang si Jonas Souto Comino sa iskor na 9-3 noong semis.
Naturuan din ni 789- Fargo Rated Gomez ng leksyon sina Canadian pride John Morra (9-7, quarterfinals), US bet Shane Wolford (9-4, round-of-16) at Amerikanong si Tony Chohan (8-7, preliminaries).
Resbak kung tutuusin ang panalo ng Pinoy kay Chohan dahil ito ang lumampaso kay Gomez sa finals ng Beasley One Pocket, 1-4.
Solido ang line-up sa Raleigh dahil sumabak din ngunit hindi nakalayo ang mga mapanganib na sina Mickey Krausse (Denmark) at Georgi Georgiev (Bulgaria).
Comments