top of page
Search
BULGAR

“Superman” Gomez, hari sa Texas Open One Pocket

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | November 3, 2020




Nasingitan ni Roberto “Superman” Gomez si Dennis “Robocop” Orcullo sa maigting na all-Pinoy championship finale upang makaakyat sa trono ng One Pocket event sa Texas Open 2020 Covid Edition sa palaruan sa Skinny Bob ng Round Rock, Texas.

Gitgitan ang dalawang manunumbok mula sa lahing-kayumanggi kaya sa tabla pa nauwi ang serye nila para sa korona. Dahil dito, kinailangan ang isang winner-take-all na sarguhan na napanalunan ni 2018 Derby City Classic (DCC) Bigfoot Challenge champ Gomez. Matatandaang nagsanib-puwersa sina Orcullo, dating World 8-ball king, at Gomez, minsan nang naging runner-up sa World 9-ball tilt, para dalhin ang Pilipinas sa pangalawang puwesto ng 2010 World Cup of Pool.

Bukod kay Orcullo, sinagasaan ni Gomez, 42-taong-gulang at tubong Zamboanga, habang papunta siya sa trono si James Davis sa iskor na 5-3 bago niya dinaig sina Tommy Tokoph (5-3), Billiards Congress of America (BCA) Hall of Famer na ipinanganak sa Isabela na si Alex “The Lion” Pagulayan (5-4) at Tony Chohan (5-4).

Nakarating sa finals si Orcullo, 41-anyos mula sa Surigao at kasalukuyang DCC Master of the Table at DCC 9-Ball Banks winner, nang talunin niya sina David Henson (5-0) at Corey Deuces (5-1) bago niya hiniya si World Pool Billiards Association (WPA) no. 3 Shane Van Boening (5-0).

Ginaganap pa ang 9-Ball event sa Texas Open at nakikipagtagisan pa rin ng husay sina Gomez, Orcullo, Pagulayan at Jeffrey De Luna sa bakbakang nagpapatupad din ng mga protocols upang makaiwas sa paglaganap ng coronavirus. Sa kabila nito, ang event ay umakit pa rin ng 128 cue artists mula sa iba’t-ibang parte ng daigdig.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page