ni Gerard Peter / VA - @Sports | October 18, 2020
Pinapayagan nang makataya sa mga paboritong pangarerang kabayo ay may tsansa na ring tumaya sa sabong ang mga mahihilig sa Off-Track Horse race betting stations at mga lisensyadong sabungan kasunod ng pagbibigay ng basbas ng Inter Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID) sa pagbabalik ng dalawang inaantabayanang industriya sa larangan ng pagnenegosyo at pampalakasan.
Bukod sa nabanggit na palaro ay pinapayagan na rin ng Task Force ang pagdaraos ng Philippine Superliga Beach Volleyball tournament na nakatakdang buksan simula sa Nobyembre 27-29 sa Subic Tennis Court sa pamamagitan ng konsepto ng ‘Bubble type.’
Inihayag ni Pres. Spokesperson Harry Roque na pinapayagan na ng Task Force ang pagkakaroon ng sabong sa mga lugar na sakop ng Modified General Community Quarantine (MGCQ), ngunit hindi ito pinapayagan na ipalabas gamit ang telebisyon o via online.
Tinukoy din ni Roque na ipinag-uutos ng IATF na ganapin ang off track horse race betting sa mga lugar naman na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ), o mas mga mababa pang mga klase ng klasipikasyon. “Bawal ‘yung broadcast at online sabong at kinakailangan po na merong pagpayag ng lokal na pamahalaan na siya rin pong nagsu-supervise nitong mga sabong na ito,” wika ni Roque sa anunsiyo sa telebisyon nitong nagdaang Biyernes.
Magpapasiklaban naman ang mga koponan sa Challenge Cup sa isang ‘Bubble type’ tournament na isinaad ng IATF na kasunduan sa lugar na pinag-usapan ng nakalipas na 30th Southeast Asian Games sa Zambales. “Pinapayagan na rin po ang beach volleyball tournament ng Philippine Superliga sa ilalim ng isang bubble concept.”
Mahigpit ding ibinilin ng spokesperson na pinagbabawalan ang mga manonood sa naturang sultada at tanging ang naghahawak lamang ng manok ang naroroon.
Malaki naman ang naging pasasalamat ni Games and Amusements Board (GAB) chairman Abraham “Baham” Mitra sa pagpayag ng IATF na muling buksan ang dalawang industriyang ikinabubuhay ng karamihan sa mga Filipino partikular na ang mga operators, breeders, agricultural veterinarians at iba pang mga nakikinabang dito. Idinagdag nitong kinakailangang sumunod sa ipinanukalang health at safety protocols sa lahat ng istasyon ng off-track betting upang manatiling bukas ito at maiwasan ang hawahan.
Sa naging pahayag ni PSL president Philip Ella Juico, sinabi nito sa isang panayam na isang malaking tulong ang pagsang-ayon sa kanilang paliga dahil ito ang magiging kauna-unahang non-professional sport na inaprubahan ng IATF.
Ang tanging kailangan lamang nilang gawin ay sundin ang mga nararapat na health protocols na ipinapagawa ng technical working group na magsagawa ng Inter-Zoning sa gagawing bubble, at kinakailangang manatili ng mga lalahok sa itatalagang quarters na daraan sa swab testing at mga requirements na itinalaga ng IATF.“We need to define first the zone of the bubble, where the athletes are staying and competing and second is ‘yun talagang nakaquarter ay merong curfew, once you’re in, you stay in; and once you go out, you’ll be subject to the same requirements again, and ask for swab test. So, a lot of this is designed to cope with pandemic, and lahat ng requirements na iyan, from the time you leave the venue kailangan mayroon kang travel authority, hanggang makarating ka dun sa venue,” paliwanag ni Juico, Huwebes ng umaga sa lingguhang TOPS: Usapang Sports na mapapanood ng live sa Sports on Air sa Facebook page nito, na sinusuportahan ng Philippine Sports Commission, Pagcor at GAB.
Comments