top of page
Search
BULGAR

Super nakaka-proud ang mga madiskarteng nanay

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | March 14, 2022


'National Women's Month' ngayong Marso. Bilang isang babae, proud ako na ipagmalaki ang nakararaming mga babae na walang kasing tibay sa mga pagsubok nitong pandemya. Pero muli na namang nahaharap sa malaking hamon ng krisis dulot ng giyera ng Ukraine at Russia.


Matapos ang halos dalawang taong hamon sa kakayahan ng mga kababaihan partikular ang mga ina ngayong may pandemya, nahaharap na naman sa panibagong pagsubok ngayong krisis dulot ng nasabing giyera.


Mas malaki ngayon ang papel ng mga kababaihan sa gitna ng krisis sa langis, sa mataas na presyo ng mga bilihin, at sobrang taas ng gastusin na ang badyet ay halos 'di na malaman paano na pagkakasyahin. Juskolord!


Sa gitna n'yan, pinakamagandang katangian ng mga kababaihan na 'di matatawaran ang pagiging pasensyosa, matibay ang dibdib at malakas ang loob, madiskarte sa mga hamon ng hirap ng buhay. Si nanay, ang mahusay sa badyetan sa bahay.


May nakilala tayong isang buntis na malapit nang manganak, ang asawa niya ay guwardiya na may kakarampot lang na suweldo. Lima ang kanilang anak. Ang tanong natin, paano nila pinagkakasya ang kanilang pagkain sa araw-araw? Lalo na't tumaas na naman ang presyo ng bilihin?


Ang sabi ni mister, maging siya ay namamangha paano sila nakakakain nang tama at napagkakasya ang ibinibigay niyang panggastos na P200 sa bawat araw.


Nalaman natin na sa 200 piso, tig-singkwenta pesos ang ibinabadyet niya sa bawat kainan, sa almusal, pananghalian at hapunan. Nagulat pa siya na may sobrang singkwenta?! O 'di ba bongga?


Nadiskubre ni mister na may pamamaraan pala si nanay para kumita kahit buntis at tadtad ng gawain sa bahay. Una, kapag tapos na sa pagluluto, paglalaba, naihatid sa eskuwela ang mga anak na pumapasok na at nag-o-online class ang iba, tumatanggap pala siya ng plantsahin mula sa mga kapitbahay.


Hindi lang 'yan, tinatawag din pala siya ng kanilang mga kapitbahay na gustong magpalinis ng kanilang mga bahay. Biruin n'yo 'yun, buntis na, sobrang sipag pa. At ang pinaka-klasik, eh nagagawa pang mag-online selling kapag ang oras ay bakante na! Ang galing 'di bah?!


Pinaka-kahanga-hanga ay 'yung ang kinita niya ay itinatabi pa ni nanay para magamit sa oras ng pangangailangan, at ang iba nama'y iniipon niya sa kanyang panganganak. 'Yan si Super Nanay! Ang babaeng IMEEsolusyon na nakaka-proud ang diskarte ngayong may krisis!


Dagdag pa niyang IMEEsolusyon ang pag-aalaga niya ng mga manok at pagtatanim ng mga gulay sa kanilang bakuran. Oh 'di bah, 'yan ang diskarte, katiyagaan ng mga babae, may krisis man o wala tunay na matibay at maaasahan na katuwang ng mga mister sa buhay!


Kaya kumpiyansa tayo, na dahil sa maraming babaeng katulad n'yo at katulad nating lahat, walang mahirap na 'di natin kakayanin lalo ngayong palala nang palala ang krisis at kahirapan na ating kakaharapin. Mabuhay ang mga kababaihan!

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page