ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | August 22, 2022
Dear Sister Isabel,
Sumaiyo nawa ang pagpapala ng Diyos na dakila. Ang problema ko ay tungkol sa mga magulang ko. Napapansin ko na matabang na ang pagtingin nila sa isa’t isa at kunwari na lang ang ipinakikita sa aming magkakapatid kapag kaharap kami. Labis akong nag-aalala na isang araw ay maghiwalay na sila. Para bang may malalim silang problema na hindi masabi-sabi sa amin.
Ako ang bunso at next year pa ako magtatapos sa kolehiyo, habang ang dalawa kong kapatid ay graduate na at may mga trabaho na.
Ano ang gagawin ko para bumalik ang dating sigla sa tahanan namin? Hindi na kami masaya gaya ng dati at hinahanap-hanap ko ang family bonding namin. ‘Yun bang, sama-sama kaming namamasyal at kumakain sa labas. Ngayon ay hindi na kami ganu’n, at ang masaklap pa ay matabang na pagtitinginan ng mga magulang ko at bihira nang magkibuan. Masyado akong naaapektuhan, kaya sana ay matulungan n’yo ako.
Nagpapasalamat,
Robert ng Subic Zambales
Sa iyo, Robert,
Bilang bunsong anak, nauunawaan ko ang nararamdaman mo, subalit kailangan mong tanggapin ang katotohanan na walang perpektong pamilya. Minsan, magugulat ka na lang dahil biglang nagbago ang lahat, gaya ng nangyari sa inyo na dati ay masayang pamilya, ngunit ngayon ay hindi na.
Gayunman, tanggapin mo ito nang maluwag sa kalooban. Ang pagtuunan mo ng pansin ay ang iyong pag-aaral, gayung malapit ka nang magtapos. May kani-kanyang dahilan ang mga magulang mo sa nangyayari ngayon, kaya hayaan mong lutasin nila ito sa sarili nilang pamamaraan. Gayundin, ipagdasal mo na sana ay huwag lumala ang mga pangyayari, hindi ito matuloy sa hiwalayan at bumalik ang dating tamis ng kanilang pagtitinginan. ‘Yan lang ang dapat mong gawin.
Magpasalamat ka dahil suportado pa rin nila ang pag-aaral mo at mabuti rin naman na nakatapos na ng pag-aaral ang iyong mga kapatid at may kani-kanya nang trabaho. Enjoy-in mo lang ang buhay at huwag kang masyadong seryoso dahil baka atakihin ka ng depresyon at lalong hindi magiging mabuti ang kalagayan mo.
Ang buhay ay sadyang ganyan, kani-kanya ng drama at mga pagsubok sa buhay. Malalagpasan n’yo rin ‘yan sa awa at tulong ng Maykapal. Ugaliin mong magdasal at Diyos ang gawin mong sandigan. Makikita mo na isang araw ay muling babalik ang kaligayahan sa tahanan n’yo.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo
Komentarze