ni ATD - @Sports | November 16, 2020
Nakatakdang magharap sa semifinals ang No. 2 seed Phoenix FuelMasters at No. 3 TNT Tropang Giga matapos dispatsahin ang kanilang nakatunggali sa quarterfinals ng Philippine Cup noong Sabado ng gabi sa AUF Sports gym sa Clark, Pampanga.
Hindi na binigyan ng Phoenix at TNT ang kanilang nakaharap na makahirit ng do-or-die game kaya naayos ang kanilang semifinals match.
Parehong may tangan na twice-to-beat advantage, pinatalsik ng Tropang Giga at FuelMasters ang Alaska Aces at Magnolia Hotshots ayon sa pagkakasunod.
Unang sumampa ang Tropang Giga, tinambakan nila ang Aces, 104-83 matapos silang pamunuan ni RR Pogoy sa opensa na nagtala ng 34 points.
Ayon kay TNT head coach Bong Ravena ay depensa ang naging susi ng madali nilang pagsampa sa semis. "It's all about defense. As much as possible, we don't want to break down on defense. We have to rotate especially on the weak side. We managed to do what we wanted to do. It's tough but we pulled through," saad ni Ravena.
Sa panig ng Phoenix, dumaan sila sa butas ng karayom bago tinapos ang Pambansang Manok Magnolia.
Isinalpak ni Matthew Wright ang panelyong tres upang ilista ang manipis na 89-88 panalo sa pangalawang laro.
Tumikada si Wright ng 32 puntos para sa FuelMasters. "It's just so magical for us," tanging nasabi ni Phoenix mentor Topex Robinson.
Samantala, semifinals na kaya lalong hinigpitan ang pagpapatupad ng health protocols sa PBA bubble upang hindi makapitan ng coronavirus, (COVID-19).
Kapansin-pansin na rin na kahit ang mga players na nasa bench ay may suot na face mask habang nakikinig sa instruction ng kanilang coach kaya naman inaasahang hindi na makakapaminsala ang COVID-19 na siyang nagpapahirap sa buong mundo.
At para mas lalong ligtas ang players, coach at staffs sa loob ng bubble ay pinauuwi na rin ang mga teams na laglag na sa kompetisyon upang mas lalong hindi makaporma ang COVID-19.
Comments