ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | March 9, 2022
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, masaya ang inyong lingkod na patuloy sa pagbaba ang mga naitatalang kaso ng COVID-19 at patuloy namang tumataas ang bilang ng mga bakunado na. Nakahihinga na kahit paano ang ating mga doktor, nars at iba pang frontliners dahil kakaunti na ang mga naoospital dahil sa COVID-19.
Sa pagtutok ng pamahalaan sa isinasagawang vaccine rollout ay mas maraming kababayan natin ang nababakunahan, nasusunod ang mga ipinatutupad na health protocols, bumababa ang COVID-19 cases at unti-unti nang nakapagbubukas ang ating ekonomiya.
Gayunman, ipinagpapatuloy pa rin natin ang mga pagsisikap para mapalakas lalo ang ating health care system sa buong bansa. Marami tayong natutunan sa bawat pagsubok na ating hinarap sa mga nakaraang taon kung kaya’t ginagawa ng gobyerno ang lahat upang maging mas handa at matatag ang mga mekanismong meron tayo at maging mas handa pa sa anumang krisis na maaaring dumating.
Kaugnay nito, noong isang linggo ay binuksan na ang ika-150 Malasakit Center na nasa Batanes General Hospital sa Basco, at ang ika-151 na nasa Quirino Provincial Medical Center sa Cabarroguis.
Layunin ng mga Malasakit Centers na mapagkalooban ng tulong-medikal ang mahihirap nating kababayan. Hindi na sila mahihirapang magpalipat-lipat pa ng mga opisina ng pamahalaan dahil nasa Malasakit Center na ang tulong mula sa Department of Social Welfare and Development, Department of Health, Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office.
Masaya rin nating ibahagi na mula nang buksan ang pinakaunang Malasakit Center sa bansa, nakapag-abot na ang programa ng tulong sa mahigit tatlong milyong Pilipino. Naisabatas na rin ang Malasakit Centers Act na tayo ang prinsipal na may-akda at nag-sponsor sa Senado.
Nananatiling prayoridad namin ni Pangulong Duterte ang kalusugan at kapakanan ng ating mga kapwa Pilipino, lalo na ang pagbibigay ng mabilis na serbisyong-medikal sa mahihirap at mga sektor na higit na nangangailangan. Sana lang ay maipagpatuloy at masuportahan pa lalo ang mga programang tulad ng Malasakit Centers sa susunod na mga taon dahil napakaraming natutulungan nito, lalo na ang mahihirap at walang ibang matakbuhan.
Kahit nararamdaman na ang resulta ng ating pagsisikap, hindi tayo dapat maging kumpiyansa. Bukod sa ating walang tigil na pag-apela sa ating mga kababayan na hindi pa bakunado na magpabakuna na sila dahil ang bakuna ang tanging solusyon laban sa pandemya, patuloy din ang ating paghahanap ng solusyon sa mga problema kung paano maihahatid ang epektibong pangangalaga ng kalusugan ng ating mga kababayan, lalo na sa malalayong lugar.
Isa sa mga isyung dapat matutukan ang serbisyong-medikal sa mga kanayunan. Maraming lalawigan ang kokonti ang mga ospital, at kulang pa sa mga tauhan at kagamitan. Dahil dito, ipinaglalaban natin ang pagpapatayo at pagpapaayos ng mga pampublikong ospital sa iba’t ibang sulok ng bansa.
Higit pa rito, nais din nating makapagpatayo ng mga Super Health Centers na tutugon sa pangangailangang pangkalusugan sa mga probinsiya. Sa pamamagitan nito, hindi na nila kailangang magpunta pa sa malalaking ospital sa kabayanan o lungsod upang magpagamot.
May pandemya man o wala, mahalaga para sa atin na maisakatuparan ang pagtatayo ng Super Health Centers dahil palagi nating kailangan ang serbisyong-medikal. Batay sa 2022 Health Facilities Enhancement Program, mayroon tayong budget na P3.587 bilyon para sa pagpapatayo ng 305 Super Health Centers. Ang P2.031 nito ay gagamitin sa pagtatayo ng mga imprastruktura, habang ang nalalabing P1.556 bilyon ay para sa pagbili ng kinakailangang kagamitan.
Bawat Super Health Center ay mas moderno at malaki kaysa sa karaniwang rural health unit. Mayroon itong lab facilities, minor operating at emergency rooms, pharmacy, birthing facilities, outpatient department, dental services, comprehensive PhilHealth outpatient department at iba pang minor services.
Sa kabila ng mga problemang hatid ng pandemya sa loob ng dalawang taon, ang mga inisyatiba at programa ng Administrasyong Duterte ay nakapagbigay ng solusyon sa mga problema, at naghatid ng pag-asa ng mas komportableng buhay para sa lahat. Ito ay pruweba ng pagtupad sa pangako ng Pangulo ng tunay at makabuluhang pagbabago sa buhay ng bawat Pilipino.
Ngayong nalalapit na ang pagtatapos ng kanyang termino, umaapela tayo na tiyaking ang pipiliin nilang bagong lider ay maipagpapatuloy ang kanyang magagandang nagawa—para masiguro natin ang mas ligtas at mas komportableng buhay para sa mga minamahal nating kababayan at susunod na henerasyon na magiging parte ng mas matatag na sambayanan!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments