ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | September 6, 2023
Madalas nating marinig ang kasabihang health is wealth. Totoo ito. Kapag malusog at malakas ang isang tao, at walang dinaramdam sa katawan, daig niya ang isang may pera nga pero nakahiga na lang sa kwarto at walang ibang magawa dahil sa sakit. Isa ang kasabihang ito sa ating gabay bilang Chair ng Senate Committee on Health para patuloy na proteksyunan ang buhay at kalusugan ng mga Pilipino.
Isa sa mga inisyatibang isinulong natin ang pagpapatayo ng Super Health Center sa iba’t ibang komunidad sa ating bansa para mas mailapit sa ating mga kababayan, lalung-lalo na ang mga mahihirap, hopeless, helpless at walang ibang malalapitan maliban sa pamahalaan, ang pangunahing serbisyong medikal.
Itatayo sa mga estratihikong lokasyon na tutukuyin ng Department of Health, nakadisenyo ang Super Health Center sa pagbibigay ng primary care, konsultasyon, at early detection ng mga sakit lalo na sa malalayong komunidad. Sa pamamagitan ng Super Health Center, mababawasan din ang mga pasyente sa malalaking ospital.
Ang Super Health Center ay isang medium type version ng polyclinic, at improved version ng rural health unit. Ang mga serbisyong hatid nito ay database management, out-patient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: X-Ray, ultrasound), pharmacy, at ambulatory surgical unit. Ang iba pang kayang ipagkaloob nito ay eye, ear, nose, and throat (EENT) service; oncology centers; physical therapy at rehabilitation center; at telemedicine kung saan maaaring magpakonsulta ang pasyente sa pamamagitan ng telepono. Magagamit din ito bilang satellite vaccination sites kapag may pabakuna ang DOH.
Nakapaglaan ang Kongreso ng budget para sa pagpapatayo ng 307 Super Health Centers sa year 2022, at may napondohang 322 naman ngayong taon—at patuloy nating sisikapin at ipaglalaban na madagdagan pa ito para mas maraming matulungang Pilipino.
Sa katunayan, nagkaroon na ng groundbreaking para sa itatayong Super Health Center sa Nabas, Aklan noong September 1. Ang okasyon ay sinaksihan din nina Congressman Ted "Nonong" Haresco, Vice Mayor James Solanoy, at Councilor Leovilyn dela Torre.
Bukod dito, magkakaroon din ng Super Health Center ang iba pang lugar sa Aklan gaya ng Tangalan, Kalibo, Ibajay, Balete, Batan, Malay, New Washington, at Numancia.
Nagkaroon din ng groundbreaking ng Super Health Center sa Hilongos, Leyte noong araw na iyon na dinaluhan nina Leyte 5th District Representative Carl Cari, Mayor Manuel Villahermosa at iba pang opisyal. Kasabay nito ay nagkaroon ng inagurasyon ng Super Health Center sa Dinalupihan, Bataan na dinaluhan mismo ni Congresswoman Gila Garcia, Governor Jose Enrique “Joet” Garcia III, Mayor Tong Santos, at Vice Mayor Fer Manalili.
Noong August 31 naman ay nagkaroon din ng inagurasyon ang Super Health Center sa Calatagan, Batangas kasama sina Mayor Peter Palacio, Vice Mayor Rogelio Zarraga at iba pang mga konsehal. Nagkaroon naman ng groundbreaking ceremony para sa itinatayong Super Health Center sa Lian, Batangas na pinamunuan nina Vice Governor Mark Leviste, Mayor Joseph Peji at Vice Mayor Ronin Leviste noong araw na iyon.
Ang pagpapatayo ng Super Health Centers ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapabuti ng kalusugan ng ating mga kababayan sa mga kanayunan. Ito ay nagpapakita ng dedikasyon ng ating pamahalaan na dalhin ang serbisyong pangkalusugan nang mas malapit sa ating mga komunidad. Layunin natin na tiyakin na hindi na nila kailangang maglakbay nang malayo para lang makakuha ng mga pangunahing serbisyong pangkalusugan.
Bahagi rin ito ng ating laging panawagan at adhikain na hikayatin ang pamahalaan na dapat tayong mag-invest sa ating healthcare system ngayon. Dapat maging one step ahead para hindi na tayo muling mabulaga sakaling may sumulpot na namang bagong sakit dahil hindi natin alam kung ang COVID-19 na ang huling pandemya na darating sa ating buhay. Kaya naman nakakabahala ang panukalang bawasan ng P10 bilyon ang budget ng DOH sa 2024. Sisikapin ko na ipaglabang madagdagan ang budget sa health.
Dapat unahin natin ang kalusugan ng bawat Pilipino dahil ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino.
Bukod naman sa serbisyong pangkalusugan, hindi natin kinakaligtaan ang patuloy na pagtulong sa ating mga kababayang nangangailangan sa abot ng ating makakaya at kapasidad.
Kahapon, September 5, guest speaker tayo sa 50th commencement exercises ng Cavite State University-CCAT Rosario Campus at nagbigay tayo ng inspirasyon sa 680 graduates. Nagkaloob din tayo ng munting regalo sa mga nagtapos nang may karangalan.
Maagap namang inalalayan ng aking tanggapan ang 352 mahihirap na bumabangon pa mula sa nakaraang sunog sa Valenzuela City. Nakatanggap ang mga benepisyaryo ng tulong sa ilalim ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng National Housing Authority, bukod sa tulong mula sa aking opisina.
Ang programang EHAP ay nasimulan noong panahon pa ni dating pangulong Rodrigo Duterte. Isa ako sa nagsulong nito noon. Ngayon, ito ay ating patuloy na sinusuportahan para may maibili ng housing materials tulad ng pako at yero ang mga nasunugan.
Nitong nakaraang araw din ay nabigyan natin ng personal na tulong ang 71 residente ng Parañaque City na nasunugan.
Naghatid din tayo ng ayuda para sa 44 mahihirap na residente ng Makati City; at 44 sa Pasay City.
Bukod sa ating ibinigay ay nakatanggap din sila ng tulong mula sa DOLE sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng ahensya.
Naalalayan din natin ang 21 micro entrepreneurs sa Ma-ayon, Capiz, sa pamamagitan ng DTI-Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa (PPG) Program, na ating isinulong noong administrasyon ni dating pangulong Duterte at patuloy na sinusuportahan ngayon para maipagpatuloy ang pagtulong sa ating maliliit na negosyante na naapektuhan ng sakuna at krisis.
Sa programang PPG, tuturuan ang mga benepisyaryo na magnegosyo at bibigyan ng puhunan para palaguin ito. Masarap sa pakiramdam kapag pinaghirapan at pinagpawisan mo ang iyong negosyo at napalago mo ito. Ang maayos na kabuhayan ang isa sa mga magiging susi sa pagginhawa ng pamumuhay ng iyong pamilya.
Lagi nating tandaan na isang beses lang tayo dadaan sa mundong ito. Kung anong kabutihan o tulong na puwede nating gawin sa ating kapwa tao, gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito. Kung ang kalusugan ay kayamanan, ang pagkakaloob naman ng serbisyo sa kapwa ang nakapagbibigay ng tunay na kaligayahan.
Patuloy akong magseserbisyo sa kapwa ko Pilipino sa abot ng aking makakaya dahil naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments