top of page
Search
BULGAR

Super Health Centers at Malasakit Centers, mas daragdagan pa!

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | December 14, 2022


Noong December 12, 2022 ay isinagawa ang inagurasyon ng Joni Villanueva General Hospital sa Bocaue, Bulacan. Bilang Chair ng Senate Committee on Health, personal nating sinaksihan ang okasyon. Masaya tayo dahil bukod sa malaking tulong ang JVGH sa pangangalaga sa kalusugan ng mga Bulakenyo at karatig-lugar, bahagi rin ito ng prayoridad na mas mapalakas pa ang healthcare system ng bansa.


Ang JVGH ay magiging Level 2 hospital mula sa pagiging extension facility lamang ng Jose B. Lingad Memorial General Hospital, na nakabase sa San Fernando, Pampanga matapos lagdaan ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11720 na nagbibigay ng estado sa naturang ospital bilang ganap na general hospital. Mayroon itong pasilidad tulad ng intensive care unit, pediatrics, obstetrics, gynecology, surgery, laboratoryo na kumpleto ang kagamitan. Direkta rin itong nasa ilalim ng pangangalaga at pangangasiwa ng DOH.


May kalakip nga lang na kaunting kalungkutan ang inagurasyon dahil hindi ito nasaksihan ni dating mayor Joni Villanueva na sumakabilang buhay noong nakaraang taon. Nakilala natin siya bilang mahusay at makasipag na local executive. Nakalulungkot na kumpleto na ang ospital pero wala siya.


Gayunman, masaya nating ibabalita, na ayon sa DOH ay magkakaroon ng Malasakit Center sa JVGH sa susunod na taon. Napakalaking tulong ito sa mahihirap dahil inilalapit sa kanila ang pampublikong serbisyong medikal sa pamamagitan ng mga medical assistance programa ng mga ahensya ng gobyerno.


Bukod sa JVGH, sinaksihan din natin ang groundbreaking ng itatayong Super Health Center sa Pandi, sa Bulacan pa rin. Masaya nating ibalita na sa ilalim ng 2022 national budget, mayroong 307 SHCs na itatayo sa buong bansa at pito ang itatayo sa Bulacan. Nakatakda namang itayo sa ilalim ng panukalang 2023 national budget ang higit 300 pang SHCs sa susunod na taon.


Ang SHC ay medium type na polyclinic at mas malaki sa rural health unit, at maraming pasilidad tulad sa mga ospital. Itinatayo ito sa strategic areas sa buong bansa, lalo na sa malalayong komunidad na tutukuyin ng DOH. Ang panganganak, dental services, isolation, emergency cases at iba pa ay hindi kailangang dalhin sa malaking ospital dahil kaya nang isagawa rito.


Samantala, tulad ng dati ay umaapela tayo sa mga hindi pa bakunado pero kuwalipikado na maging sa booster shots, na magpabakuna na kayo. Mas protektado kung bakunado! Mas masayang magdiwang ng Pasko kapag ligtas sa virus ang pamilya at kapwa Pilipino. Mas tanaw din ang pag-asa sa pagpasok ng 2023 kung patuloy tayong magkakaisa at magbabayanihan para tuluyan tayong makabangon mula sa pandemya at makabalik sa normal na pamumuhay.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page