ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | January 20, 2024
Naging napakaproduktibo ng linggong ito sa ating patuloy na paghahatid ng serbisyo sa mga Pilipino lalo na sa malalayong lugar.
Nakalinya ito sa ating layunin na mapagkalooban ang ating mga kababayan ng sapat na serbisyong pangkalusugan — lalo na ang mga mahihirap, hopeless, helpless at walang ibang malalapitan maliban sa pamahalaan. Kaya masaya kong ibinabalita na sunud-sunod na ang pagbubukas ng mga Super Health Center sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa.Isa rito ay matatagpuan sa Brgy. Los Amigos, Tugbok District, Davao City.
Noong January 16 ay personal nating dinaluhan ang ribbon-cutting and turnover ceremony nito. Ready for operation na ito at mapapakinabangan na ng mga kababayan natin. Hindi na nila kailangang magbiyahe pa ng downtown. Dito na sila magpapa-checkup para sa early disease detection upang maagapan ang kanilang sakit at hindi na lumala pa. Gayundin, ang primary care na nasa ilalim ng Universal Health Care Law, at ang Konsulta package ng PhilHealth.
Sa araw ding iyon ginanap ang ribbon-cutting ceremony para sa Super Health Center na itinayo naman sa Brgy. Toril Proper, na personal din nating sinaksihan.
Samantala, sinimulan naman ang pagtatayo ng Super Health Center sa Brgy. Dumoy sa Davao City pa rin noong araw na iyon at sinaksihan natin ang isinagawang groundbreaking. Sa ating pagbisita sa mga nasabing Super Health Center ay namahagi tayo ng ilang grocery packs at iba pang maliliit na regalo sa mga barangay health workers at mga residente sa lugar.
Kabilang sa mga serbisyong hatid ng Super Health Center ang database management, outpatient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: X-Ray at ultrasound), pharmacy, at ambulatory surgical unit.
Magkakaloob din ito ng eye, ear, nose, and throat (EENT) service, oncology centers, physical therapy and rehabilitation centers, at telemedicine kung saan puwedeng madaling magpakonsulta ang pasyente.Sabi ko sa mga taga-roon, bilang tayo ang chairman ng Senate Committee on Health, nandito tayo para sa pagpapatayo ng mga Super Health Center, at para ilapit natin sa lahat ng Pilipino ang serbisyong medikal.
Ipinaalala ko sa mga residente na napakaimportante sa akin ng kalusugan ng bawat Pilipino kaya ako nagsusumikap na makatulong na ma-improve at mag-invest sa ating healthcare system.Pinangunahan din natin ang pag-turnover ng Super Health Center sa Brgy. Ned Proper, Lake Sebu, South Cotabato noong January 17. Napaka-crucial nito dahil napakalayo at isolated ang barangay at kailangan pang dumaan sa ibang probinsya para lang makarating sa town center ng Lake Sebu.
Nagdala rin tayo ng ilang grocery packs at iba pang tulong sa mga barangay health workers at mga residente sa lugar.Sabi ko nga sa mga residente, tulad nila, marami sa mga kababayan natin sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas ang walang sapat na health facilities na makagagamot sa kanilang mga karamdaman.
Kaya importante ang Super Health Center para hindi na nila kailangang pumunta pa ng malalayong ospital upang magpa-checkup ng minor cases. Makatutulong din ito para mabawasan ang mga pasyente sa mga ospital dahil d’yan na sila gagamutin.
At masuwerte ang itinayong Super Health Center na ito dahil nagbuwena manong nanganak noong January 16 si Layla Tungcay. Nakakatuwa naman na ang baby girl niya na si Bong Galyn ay tatawagin niyang “Bongga” dahil isinunod sa ating pangalan.
Umaasa akong magiging malusog at matalino si Bongga hanggang sa kanyang paglaki.
Dito rin natin nakita kung gaano kaimportante sa isang napakalayong lugar ang may matatakbuhang Super Health Center. Maagap na naalalayan ang panganganak ni Layla, at masusubaybayan pa ang kalusugan ng kanyang baby.
Nitong nakaraang mga araw ay dinaluhan din natin ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center sa Kiamba, Sarangani. Nagbigay tayo ng ilang grocery packs at iba pang tulong sa mga barangay health workers sa lugar. Ipinabatid ko sa mga residente na maaari ring magkaroon ng dialysis center dito para hindi na mahirapan ang pasyenteng sumasailalim sa dialysis na magpagamot pa sa malayong lugar.
Masaya ko ring ibinabalita na sinaksihan naman ng aking tanggapan sa araw ding ito ang turnover ng Super Health Center na itinayo sa Brgy. Malandag, Malungon, Sarangani.
Gayundin, ang groundbreaking ceremony sa itinatayo sa Brgy. Camp Clark, Isabela, Negros Occidental; Payao, Zamboanga Sibugay; at sa Brgy. Kamanga, Maasim, Sarangani. Binuksan naman kahapon, January 19, ang itinayong Super Health Center sa Imus City, Cavite kung saan pinangunahan mismo nina Health Secretary Ted Herbosa at Mayor AA Advincula ang inagurasyon ng pasilidad kasama ang iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan at ng DOH. Nabisita ko ito noong Pebrero ng nakaraang taon habang ipinapatayo pa ito.
Sa tulong ng Department of Health sa pamumuno ni Sec. Herbosa, mga kapwa ko mambabatas at mga lokal na pamahalaan, sana ay tuluy-tuloy ang pagpapalakas ng ating serbisyong medikal sa mga komunidad sa pamamagitan ng Super Health Center.
Mayroon na tayong mahigit 700 Super Health Centers na napondohan na mula 2022 hanggang ngayong 2024.Umaapela tayo sa DOH, bilang pangunahing ahensyang namamahala rito, na bilisan ang implementasyon at siguraduhin na walang masasayang na pondo ng bayan. Sa katunayan, pera naman ‘yan ng taumbayan.
Siguraduhin dapat na ang ordinaryong Pilipino ay makikinabang lalo na pagdating sa kalusugan.Tuluy-tuloy din ang ating paghahatid ng iba pang serbisyo sa ating mga kababayan. Dinaluhan natin ang oathtaking ng mga civil engineers (Davao City chapter) na ginanap sa Dusit Thani Hotel.
Nakarating naman ang aking Malasakit Team sa iba’t ibang parte ng ating bansa para matulungan ang mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis. Maagap tayong umagapay sa mga naging biktima ng magkakahiwalay na insidente ng sunog kabilang ang 407 sa Pandacan, Manila; 43 sa Brgy. San Juan, Taytay, Rizal; 43 sa Pagadian City; 23 sa Brgy. 19-B, Mineral Village, Bajada, at 13 sa Brgy. 8-A, Poblacion District, sa Davao City; at anim pa sa Iligan City.Nagbigay-tulong din tayo sa ilang residente ng Quezon City sa isinagawang medical mission kasama si Councilor Mikey Belmonte.Namahagi naman tayo ng tulong sa mga nawalan ng hanapbuhay kabilang ang 550 mula sa Meycauayan City, Bulacan kasama si Congresswoman Linabelle Villarica; at 179 sa Roxas City, Capiz kasama si Board Member Thea Faith Reyes.
Nabigyan din ng Department of Labor and Employment ng pansamantalang trabaho ang mga kuwalipikadong benepisyaryo.Sa patuloy na pagtatayo ng Super Health Centers, nakita namin kung gaano kalaki ang naitutulong nito sa mga komunidad lalo na sa rural areas. Sama-sama nating ilapit sa mga mamamayan ang serbisyo ng gobyerno lalo na pagdating sa pangunahing serbisyong pangkalusugan.
Tandaan natin na ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino kaya pangalagaan natin ito.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments