top of page
Search
BULGAR

Super health center, katuwang sa kalusugan ng mga Pinoy

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | August 12, 2023 Mang pagpapatayo ng Super Health Center sa iba’t ibang komunidad sa ating bansa ay bahagi ng ating inisyatiba bilang chair ng Senate Committee on Health na magkaroon ng mas mabilis at maaasahang access na serbisyong medikal ang ating mga kababayan, lalo na sa mga lugar na malayo sa mga ospital.


Kabilang sa mga serbisyong hatid ng SHC ang database management, outpatient care, isolation, diagnostic (laboratory: X-Ray, ultrasound), pharmacy, at ambulatory surgical unit. Ang iba pang serbisyong hatid nito ay eye, ear, nose and throat (EENT); oncology centers; physical therapy at rehabilitation centers; at telemedicine kung saan maaaring magpakonsulta at magamot ang pasyente sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono.


Isang medium-type polyclinic, sa SHC ay maaari nang manganak ang mga buntis at hindi na kailangang magbiyahe pa sa regional hospital.


Ang isang malaking bagay dito ay ang early detection kung may sakit ang isang pasyente. Dahil nasa kanilang komunidad ang SHC, madali na para sa kanya ang magpakonsulta. At kung malalaman agad ang sakit ng isang pasyente, mabibigyan siya ng primary care, malalapatan ng lunas, at lalaki ang tsansa na maka-recover siya sa kanyang sakit.


Bukod sa mabilis na pagtugon sa pangangailangang medikal ng mga tao, makatutulong din ang SHC para mabawasan ang mga nagpapakonsulta sa ibang ospital at health facilities. Magkakaroon din ito ng mahalagang papel sa emergency preparedness and response sa panahon ng krisis.


Kaya naman napakalaki ng ating pasasalamat sa mga kapwa ko mambabatas at sa Department of Health, sa tulong na rin ng mga lokal na pamahalaan, na sinuportahan ang ating inisyatibang ito na mailapit ang serbisyo medikal ng gobyerno sa mga tao.


Noong isang taon ay napondohan ang pagpapatayo ng 307 SHCs, at 322 naman ngayong 2023. Ang DOH ang siyang pangunahing ahensyang tagapagpatupad ng programa at tumutukoy ng strategic areas kung saan may pangangailangan sa SHC para roon itayo.


Gaya ng madalas kong sabihin, napakahalaga na mag-invest tayo sa ating healthcare system kaya naman bukod sa SHC ay patuloy rin nating binabantayan ang implementasyon ng Malasakit Centers Act na tayo ang principal author at sponsor. Isa itong one-stop shop, at nasa loob na ng ospital ang apat na ahensya ng gobyerno – PhilHealth, PCSO, DOH, DSWD, kaya hindi na mahihirapan sa pagpila ang mga kamag-anak ng pasyente para mag-avail ng medical assistance.

Sa datos ng DOH, mahigit pitong milyong benepisyaryo na ang natulungan ng Malasakit Center, at patuloy pa itong nadaragdagan araw-araw.


At dahil bisyo ko ang magserbisyo, tuluy-tuloy ang ating paglapit sa ating mga kababayang nahaharap sa mga krisis para maalalayan natin sa abot ng ating makakaya at kapasidad.


Kahapon, August 11, ay nasa Catbalogan City, Samar tayo para pangunahan ang oath taking ng kanilang Barangay Health Workers Federation. Katuwang ang tanggapan ni Governor Sharee Ann Tan at ng BHW Partylist Rep. Natasha Co, nagbigay tayo ng tulong sa 2,000 BHWs ng probinsya. Binisita rin natin ang Malasakit Center na nasa Samar Provincial Hospital kung saan nagbigay tayo ng tulong sa 256 na pasyente at 573 na medical frontliners. Bukod dito, may assistance rin mula sa DSWD para sa mga kwalipikadong pasyente.


Dinaluhan naman natin ang inagurasyon ng Multipurpose Hall (Tandaya Hall) sa Capitol Compound na isa tayo sa mga naging instrumento para maipatayo. Naging guest of honor at tagapagsalita rin tayo sa ginanap na Tandaya Festival: Adlaw Han Barangay, kung saan nasa 9,000 barangay officials ang imbitado. Binisita naman natin ang mga itinatayong mga proyekto roon na naging instrumento tayo para mapondohan kasama ang lokal na mga opisyal tulad ng multipurpose building na magiging bagong city hall ng Catbalogan, bagong sports complex at Lagundi-San Andres Access Road.


Nasa Pangasinan tayo noong August 10 at nag-inspeksyon sa itinayong Super Health Center sa Alaminos. Pinangunahan din natin ang pamamahagi ng tulong sa 1,000 mahihirap na residente sa lugar kasama sina Congressman Art Celeste at Mayor Arth Bryan Celeste. Kasama si dating Pangulong Duterte, sinaksihan naman natin ang paggagawad ng retirement honors kay P/LtGen Vicente Danao Jr. sa Camp Crame, Quezon City. Kinagabihan ay nakiramay kami ni Tatay Digong sa naiwang pamilya ni dating DILG Undersecretary Martin Diño.


Naging guest speaker naman tayo noong August 9 sa 14th Commencement ceremony ng Dalubhasaang Politekniko ng Lungsod ng Baliwag sa Bulacan. Kasama ang lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Ferdie Estrella, nagbigay tayo ng inspirasyon sa mga nagtapos at hiniling na gamitin ang kanilang kaalaman sa pagtulong sa ating mga kababayan. Nagkaloob din tay


Tuluy-tuloy rin ang aking opisina sa paghahatid ng tulong sa mga nasalanta ng Typhoon Egay. Sa Cagayan, namahagi tayo ng tig-500 na food packs sa Ballesteros, Aparri, Santa Teresita, Gonzaga, Allacapan at Calayan. Sa Apayao at Kalinga ay nahatiran din ng food packs ang tig-500 residente; 1,000 sa Abra; at 300 pa sa Baguio City.


Sa Ilocos Sur ay nakapamahagi tayo ng 3,450 food packs para sa mga kababayan nating nasalanta ng bagyo mula sa Vigan City, Caoayan, Candon City, Sto. Domingo, at Narvacan. Nakapagbigay ang DSWD ng tulong sa mga kwalipikadong benepisyaryo roon.


Sa Batangas naman, natulungan namin ang 500 sa San Pascual, at 366 sa Sta. Teresita. Nasuportahan rin natin ang 300 miyembro ng iba’t ibang sektor sa Barotac Viejo, Iloilo; 700 sa Concepcion, Tarlac; 160 sa Buruanga, Aklan; 200 sa Cagayan de Oro City; 100 sa Sta. Josefa sa Agusan del Sur; at ang 200 pa sa Medina, habang 500 sa Libertad sa Misamis Oriental.


Gusto kong samantalahin ito para magpasalamat sa patuloy na tiwalang ipinagkakaloob ninyo sa isang simpleng probinsyanong binigyan ninyo ng pagkakataon na makapagsilbi sa inyo. Sa isinagawa ng OCTA Research na “Tugon ng Masa” survey mula July 22-26 kung sinu-sino ang posibleng senatorial candidates sa 2025 mid-term election ay pumangalawa tayo.


Ngunit sa panahong ito, masyado pang maaga para pag-usapan ang pulitika. Unahin muna natin ang serbisyo sa tao. Patuloy akong magseserbisyo sa inyo mula pa noon hanggang ngayon dahil bisyo ko na ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Sa abot ng aking makakaya, patuloy akong magsusulong ng mga panukalang batas at susuporta sa mga programa ng gobyerno, lalo na ang nakakatulong sa mga mahihirap nating kababayan, mga hopeless at helpless, at mga walang malalapitan kundi ang ating pamahalaan.


 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page