ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | September 9, 2022
Ang pelikulang Labyu With An Accent ay unang pagsasanib-puwersa ng dalawang premyadong Kapamilya stars na sina Coco Martin at Jodi Santamaria at siya ring magiging entry ng ABS-CBN Films sa Metro Manila Film Festival 2022 ngayong darating na Kapaskuhan.
Sa naganap na story conference, masayang ibinahagi ni Jodi ang kanilang pananabik sa kanilang unang movie project together lalo na't si Coco ang magdidirek ng film.
“Ako naman, sobrang thankful ko na mapabilang sa proyekto na ito and siyempre, makatrabaho ko si Mr. Coco Martin, ‘di ba? Hindi ko lang siya leading man dito and first time na makakatrabaho ko siya bilang director and sobra akong excited na maidirek ng isang Coco Martin na alam naman natin na napakataba ng utak at napakagaling na aktor at direktor,” ani Jodi.
Ayon din kay Jodi, isa itong masayang regalo na handog nila matapos ang successful Kapamilya series na ginawa niya mula sa Ang Iyo Ay Akin at The Broken Marriage Vow na minahal ng maraming manonood.
“I am just so grateful to be part of this whole project and to be given the opportunity and to give back doon sa lahat ng mga tao na patuloy na sumuporta sa mga proyekto namin and also to really, alam mo, ‘yung magpasalamat sa kanila in our own little way by doing this project na we know na ang Christmas season ay maging masaya, exciting para sa ating mga kababayan.” sey ng aktres.
Aminado naman ang aktres na kinakabahan siya sa first time nilang pagsasama ni Coco, not only as co-actor, but her director as well sa film.
"Kinakabahan...since magkatrabaho kami hindi lang bilang artista, magiging director ko siya. I had to ask questions talaga, (kung) ano 'yung working style niya. Siyempre, kailangan kong mag-adjust du'n. (Like) Ano'ng oras ba siya nagigising, para alam ko kung ano'ng oras ba tayo dapat nasa set para ma-adjust ko 'yung tulog ko," paliwanag ng aktres.
Ayon naman kay Coco, “Ako honestly, sobrang excited. Kasi, sabi ko nga, napakapalad ko nga na makakatrabaho ko si Jodi kasi isa siyang napaka-professional at napakahusay na artista at aktres."
Ayon pa kay Coco, ganting-pasasalamat ito sa mga sumuporta sa kanilang mga ginawang proyekto sa telebisyon tulad ng FPJ’s Ang Probinsyano na pitong taon na sinamahan ng mga Pilipino.
“Siguro, ito na rin ang way ng pasasalamat namin sa mga taong tumangkilik at sumama sa amin sa aming mga teleserye. Kaya ngayong Pasko, ito ang ihahandog at ireregalo namin sa kanila.”
Ayon pa kay Coco na bumuo ng konsepto ng proyekto, personal choice niya si Jodi na maging bahagi ng kuwento na kanilang handog ngayong Kapaskuhan.
“Sobrang gusto ko talaga na makasama si Jodi sa isang teleserye, kasi noong naiisip ko kasi ang concept noong binubuo namin ang kuwento, nakita ko kasi na bagay na bagay kay Jodi ‘yung character. Sabi ko nga, tulad ng kuwento naming dalawa na hindi nalalayo sa amin kasi na-experience na namin na nagtrabaho abroad, kung ano ang pinagdaraanan ng mga Pilipino doon, kaya kaya naming ikuwento at kaya naming gampanan kung ano ang character na gagawin namin dito. And at the same time, ano ‘yung mga bago naming maibibigay sa mga manonood. Kasi ito na sana ang pagbabalik ng ating mga pelikula ngayong darating na Kapaskuhan,” lahad pa ni Coco.
Bilang direktor ng film, ikinuwento ni Coco na hindi sila nahirapang mapa-'oo' si Jodi para maging leading lady o maging bahagi ng proyekto.
“Hindi naman (mahirap mapa-oo) kasi si Jodi naman, I’m sure na kapag alam niya na maayos at maganda ‘yung pelikula na gagawin niya, siyempre, iko-consult ko muna. Kasi kilala ko si Jodi na matalino siyang artista, eh, kaya sinigurado ko na ‘yung character niya and ‘yung buong kuwento nu'ng pelikula na gagawin namin ay maganda and maayos. Kasi ayokong mapahiya talaga sa kanya, kaya hindi naman ako nahirapan,” ani Coco.
Sinabi pa ni Coco sa storycon na nape-pressure siya bilang katrabaho ni Jodi.
"As a co-actor, ninenerbiyos ako. Isa siya sa pinakamagaling na aktres sa buong Pilipinas.
Bilang direktor, du'n ako natsa-challenge kasi alam kong magaling siya. Sa umpisa, medyo mahirap, pero ako kasi, nagtitiwala ako sa actor ko," ani Coco.
Dagdag pa ni Coco, "Sobra naman ang tiwala ko kay Jodi, kaya hindi ako kinakabahan bilang artista, pero as a director, maning-mani sa kanya 'to."
Sa pagbabalik ng MMFF, aminado rin si Coco na may pressure pa rin siyang nararamdaman sa taunang film festival.
“Oo naman, pero excited ako more than anything kasi sabi ko nga, pakiramdam ko kasi, regalo ‘to na naggi-give back. Kaya sabi ko, dapat maganda ang pelikula mo, eh, 'yung alam mong mahirap mag-ipon. Alam naman natin na importante ang pera na ilalabas. Tapos ang mga Pilipino talaga, pinaghahandaan talaga nila 'yan every Christmas. ‘Yun kasi ang bonding nila and reunion ng pamilya nila. Kaya kailangan, ‘yung ibabayad nila sa sine, sulit. Kaya sobra kaming excited at sisiguraduhin namin na matino at maganda ang pelikulang ilalabas namin."
Para naman kay Jodi, “Worth it ang ilalabas nilang money.”
Sa unang linggo ng Oktubre, nakatakdang lumipad ang cast sa US para kunan ang ibang eksena ng pelikula kung saan gagampanan ni Coco ang karakter ng hardworking na si Gabo, habang isang successful Overseas Filipino Worker (OFW) sa America naman si Jodi bilang si Trisha.
Comments