ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | August 11, 2021
Dominasyon ang akmang salita na maglalarawan ng pagkopo ni World Random Fischer champion at Super Grandmaster Wesley So sa korona ng Online Meltwater Champions Chess Tour - Chessable Masters Tournament matapos daigin sa finals ang bituin ng ahedres mula sa Vietnam na si GM Liem Quang Le.
Ito na ang pangatlong titulo sa tour ng dating Philippine champion mula sa Cavite. Hawak din ni So ang karangalan bilang tanging chesser na nakapasok sa knockout rounds ng lahat ng paligsahang sinalihan niya sa nabanggit na tour na mayroon na lang nalalabing isang yugto.
Matapos na makalusot sa elimination round, tinalo ni So, kasalukuyang US champion, si Dutch GM Jorden Van Foreest sa quarterfinals sa iskor na 2-2; 2.5-0.5 bago niya biniktima ang Rusong si GM Artemiev Vladislav (2.5-1.5; 2.0-2.0) sa semifinals.
Sa championship round, kumana ng dalawang panalo at isang draw ang 27-taong-gulang na si So sa unang salpukan nila ni Le para mapalapit sa trono, 2.5-0.5. Nang muling magpanagpo, sumulong ang una sa isang 2.0-2.0 na resulta para selyuhan ang trono. Halagang $30,000 ang katumbas ng pagwawagi ng chess warrior na naninirahan na ngayon sa Minnesota.
Nag-uwi ang Vietnamese chesser ng pabuyang $15,000 para sa pinakaunang finals stint. Samantala, dinaig ni Vladislav si Armenian GM Levon Aronian sa kanilang hiwalay na duwelo, 2.5-0.5; 2.0-2.0. Naging susi ito upang makuha ng Ruso ang pangatlong posisyon at makapagbulsa ng $8,500 matapos maangkin ang pangatlong puwesto.
Sa kabuuang Tour standings, nananatili sa pangalawang baytang si So ($179,580; 257 puntos) sa likod ni world champion at Norwegian GM Magnus Carlsen ($185,370; 291 puntos). Malayo ang pagbuntot nina Aronian (3rd; $109,823; 149 puntos) at Azerbaijan GM Teimour Radjadov (4th; $103,968: 133 puntos).
Comments